Lalaki, tinarakan dahil sa cellphone

NASA KRITIKAL NA kalagayan ang isang binata matapos itong saksakin ng kanyang kainuman nang magtalo ang mga ito dahil sa ginawang pagtapon ng una sa cellphone ng huli sa Caloocan City kamakalawa ng madaling araw.

Inoobserbahan ngayon sa Manila Central University (MCU) Hospital sanhi ng mga tinamong saksak sa katawan ang biktimang si Allan Cabahug, 35-anyos, residente ng Baesa Road ng nasabing lungsod.

Patuloy namang nagsasagawa ng manhunt operation ang mga awtoridad laban sa suspek na si John Edward ng Pasig City na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Base sa isinagawang imbestigasyon ni SPO2 Vivencio Gamboa, may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong 12:05 ng madaling araw sa loob ng bahay ng biktima.

Ayon sa ulat ng pulisya, kasalukuyang nag-iinuman ang biktima at ang suspek nang hiramin ng una ang cellphone ng huli upang mag-text sa isa nitong kaibigan.

Matapos magamit ay pahagis na isinauli ng biktima ang cellphone ng suspek dahilan upang magkaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga ito hanggang sa bunutin ni Edward ang kanyang dalang patalim at magkakasunod na saksakin si Cabahug.

Agad namang isinugod ang biktima sa nabanggit na pagamutan ng kanyang mga kaanak kung saan ito patuloy na inoobserbahan habang tumakas naman ang suspek sa hindi natukoy na direksiyon.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.