Lalaki, sinumpak ng nakatitigang adik

KRITIKAL SA PAGAMUTAN ang isang lalaki matapos itong barilin ng isang adik na umano’y nakatitigan ng una nang madaanan nito ang huli habang pauwi sa kanilang bahay kamakalawa ng gabi sa Navotas City.

Ginagamot sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong tama ng sumpak sa kaliwang hita ang biktimang si Crisanto Calingal, 51, ng # 14 LR Yangco, Brgy. Navotas East, Navotas City.

Nakapiit naman sa detention cell ng Navotas City police ang suspek na si Kenneth Concepcion, 20, binata, ng # 24 LR Yangco St., ng nasabing lunsod.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-11:10 kamakalawa ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng LR Yangco Street.

Bago ang insidente, naglalakad ang biktima sa nasabing lugar pauwi sa kanilang bahay nang madaanan nito ang suspek na nakatambay at lango sa alak na nanlilisik ang mga mata hanggang sa magsalubong ang kanilang paningin.

Ikinairita ng suspek ang pagtitig ng biktima na nakainom rin ng alak hanggang sa bigla na lamang kinuha ni Concepcion ang sumpak at pinaputukan si Calingal na tinamaan sa hita.

Agad naman dinala sa nasabing pagamutan ang biktima ng kanyang pinsan na hindi nakuha ang pangalan upang lapatan ng lunas ang tinamong sugat, habang mabilis namang nadakip ang suspek ng mga rumespondeng barangay tanod.

Si Concepcion ay nakahanda na ring sampahan ng kaukulang kaso sa tanggapan ng Navotas City Prosecutors Office.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.