Lalaki pinatay habang nagbibisikleta

PATAY ANG ISANG lalaki matapos itong pagbabarilin ng isang ‘di pa nakikilalang salarin habang ang una ay sakay ng kanyang bisikleta kahapon ng madaling-araw sa Navotas City.

Binawian ng buhay habang dinadala sa Tondo Medical Center sanhi ng tinamong tama ng bala ng kalibre .45 sa ulo at likod ang biktimang si Ricky Avelita, 41, ng Market 2 Consignacion, Navotas Fish Port Complex, Navotas City.

Isang follow-up operation naman ang isinasagawa ng pulisya para sa agarang pagkakakilanlan at ikadarakip sa suspek na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-4 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa tapat ng Cudias Store, Bagumbayan, North Bay Boulevard North (NBBN) ng lungsod.

Nagbibisikleta ang biktima nang hindi nito namalayan ang suspek sa kanyang likuran na armado ng kalibre .45 na baril at agad itong pinaputukan na tinamaan sa ulo at likod.

Matapos ang insidente, tumakas ang suspek sa ‘di malamang direksyon dala ang ginamit na baril sa krimen habang dinala naman sa nasabing pagamutan ang biktima subalit hindi na ito umabot pang buhay.

Inaalam na ng pulisya ang tunay na motibo ng suspek sa krimen.     (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.