Lalaki, Patay sa Rumaragasang Motorsiklo; 2 Pa Kritikal

ISANG LALAKI ang maagang namatay habang dalawa pa ang malubhang nasugatan makaraan ang una ay bundulin ng rumaragasang motorsiklo na sinasakyan ng mga sugatan sa Caloocan City kamakalawa ng umaga.

Si Victor Pagadame, 49 anyos, empleyado, at residente ng # 60 F. Roxas St, 3rd Avenue, Caloocan City ay patay na bago idating sa President Diosdado Macapagal Memorial Medical Center sanhi ng pagkabasag ng bungo.

Samantala, nakaratay din sa nasabing pagamutan sina Rodrigo Lovete, 24, may-asawa, ng F. Cruz St., Malibay, Pasay City; at Patrick John Quito, 27, ng Ranada St., Commonwealth, Quezon City.

Ayon kay PO2 Ferdinand Manapat ng Caloocan Traffic Division at may hawak ng kaso, dakong ala-1 ng umaga nang maganap ang nasabing aksidente sa intersection ng 3rd Aveue ng nabanggit na lungsod.

Lumalabas sa imbestigasyon ni PO2 Manapat na tumatawid ang biktima sa nasabing lugar nang bigla na lamang itong bundulin ng Kawasaki Rover motorcycle na may plakang UP-379 na minamaneho ni Lovete, kung saan backride nito si Quinto.

Si Pagdagame ay tumilapon ng ilang metro ang layo at bumagsak sa sementadong kalsada na una ang ulo habang ang sinasakyang motorsiklo ng dalawang sugatan ay sumalpok naman sa poste ng Meralco.

Ang mga biktima ay parehong dinala sa nasabing pagamutan kung saan si Pagdagame ay hindi umabot nang buhay at sina Lovete at Quinto ay pawang nasa kritikal na kalagayan.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.