Lalaki, lasog ang katawan sa 2 sasakyan

NAGKALASUG-LASOG ANG KATAWAN ng isang lalaki matapos itong aksidenteng mabundol ng taxi at isa pang kotse habang ang una ay tumatawid kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Ang biktima na inilarawan lamang na nasa 40-45 anyos, 5’5” ang taas, nakasuot ng T-shirt na kulay blue ay patuloy na inoobserbahan sa Manila Central University Hospital, Caloocan City, sanhi ng matinding pinsala sa buong katawan.

Kusa namang sumuko sa mga awtoridad ang suspek na si Orlan Belmonte, 26, binata, taxi driver, at residente ng No. 159-H 12th Ave., Grace Park, Caloocan City habang inaalam na rin ang isa pang sasakyan na Sedan, kulay gray, na hindi nakuha ang plaka.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7 ng gabi nang maganap ang insidente sa may Edsa cor G. Malvar St., Caloocan City.

Binabaybay ni Belmonte ang naturang lugar nang papasalubong naman ang isa pang kotse at hindi mapansin ang pagtawid ng biktima. Dito, unang nahagip ng Sedan ang huli, sa lakas ng pagkakabundol rito ay tumilapon ito sa harap ng Gaudencio V. De Guzman taxi na minamaneho ni Belmonte na may plakang UVH-172.

Sa halip na huminto ang unang sasakyan na nakabundol ay mabilis nitong pinaharurot ang sasakyan sa ‘di malamang direksyon habang agad namang dinala ni Belmonte ang biktima sa nasabing pagamutan.

Isang follow-up investigation ang isinasagawa ng Caloocan police, para matukoy ang pagkakakilanlan ng isa sa mga suspek na mabilis na tumakas.

Inaalam na rin ng pulisya ang tunay na pagkakakilanlan ng biktima. (MARY H. SAPICO)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.