Lalaki, Arestado sa Pagsunog sa Sariling Bahay

ARESTADO ANG isang lasing na lalaki makaraang sunugin nito ang kanyang sariling bahay matapos umano ang isang mainitang pagtatalo sa pagitan ng suspek at ang asawa nito sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Ang suspek na kasalukuyang nasa likod ng rehas na bakal ay nakilalang si Emon Salazar, 27 anyos at naninirahan sa Statchenburge, Brgy. 67 ng nabanggit na lungsod kung saan ito ngayon ay nahaharap sa kasong Arson.

Base sa ulat ng Caloocan City Bureau of Fire and Protection (BFP), dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang magsimulang masunog ang bahay ng suspek na umabot lamang ng first alarm.

Agad namang napatay ang apoy sa loob ng bahay ng suspek ng mga nanga-ngalit na kapit-bahay dahilan upang ito ay dumugin at dalhin sa himpilan ng pulisya at ireklamo ng panununog.

Nabatid na bago umano ang panununog ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang suspek at ang asawa nito hinggil sa palaging paglalasing ng suspek at habang nasa kainitang ng pagtatalo ng mag-asawa ay biglang sinunog ng suspek ang kanilang sopa hanggang sa kumalat ang apoy sa loob ng bahay ng Pamilya Salazar.

Dahil sa mabilis na pagresponde ang mga elemento ng pamatay sunog ng Caloocan at mga residente ay nagresulta sa mabilis na pagkakaapula ng apoy.

Base sa record ng Caloocan BFP, ang suspek na si Salazar ay dati nang sinunog nito ang kanyang motorsiklo habang nasa impluwensiya ng alak na muntik nang madamay ang mga kabahayan sa kanilang lugar.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.