Lahing pine-frame up?!

KUNG MAY SALITANG kantong “lahing pikutin” na tumutukoy sa mga kalalakihan na habulin ng mga kababaihan, may bagong bokabularyong naimbento si SPO4 Pancho Labrador ng Navotas PNP para sa mga lalaking katulad niya. Siya raw ay may lahing pine-frame up.

At kung pagbabasehan ang sa-lita niyang ito. Ang anak ni SPO4 na si Peter ay nagmana sa kanya. Minana ni Peter ang lahat ng ugali ng kanyang ama kaya tunay na matatawag siyang anak siya ng tatay niya.

Noong umaga nang February 6, 2011, naglalaro ng basketball ang magkaibigang binata na sina Christopher de Jose at Abdon Villafuerte. Kasama sa larong iyon si Peter. ‘Di naglaon, nagkapikunan hanggang sa maupakan ni Peter si Christopher sa labi.

Pumutok ang labi ni Christopher at isinugod ito ni Abdon sa ospital. Matapos matahi ang sugat ni Christopher – at habang hinihintay nila ang medical record sa labas ng emergency room, dumating si Labrador kasama si Peter.

Nang makita ni Labrador si Abdon, walang kaabug-abog na sinikmuraan niya ito. Binantaan din niya ang dalawa na huwag nang magpapakita sa kanya kung hindi ay may kalalagyan sila.

Nakausap ng inyong SHOOTING RANGE si Labrador sa telepono para kunan siya ng pahayag tungkol sa insidente. Mariing itinanggi niya ang pananakit kay Abdon at ang pagbabanta sa dalawang magkaibigan. Sinabi ng pulis na nagkataong nakasalubong lang niya sina Christopher at Abdon sa ospital dahil isinugod rin daw niya sa nasabing pagamutan si Peter. Pinagsabihan lang daw niya sila na huwag kinukursunada ang kanyang anak.

Sinabi ni Labrador na isa siyang mabuting tao at nirerespeto sa kanilang barangay. Ang hinala niya, may mga tao raw na nagsulsol sa dalawang binata na magsumbong sa WANTED dahil ang mga ito ay naiinggit at nagagalit sa kanya.

Mabilis kong sinupalpal si Labrador at sinabihan ko siyang totoo nga ang kanyang hinala dahil mismong mga kawani ng barangay ang nag-udyok kina Christopher at Abdon na magsumbong sa WANTED dahil punung-puno na sila sa mga ginagawang paghahasik ng lagim nilang mag-ama.

Ngunit nanindigan si SPO4 Labrador at hinamon niya akong mag-imbestiga at ipagtanong ang background ng kanyang pamilya sa kanilang lugar at ipagtanong ko na rin daw ang kanyang service record sa PNP. Sinabi rin niyang napakabait ng kanyang anak at ito ay menor de edad pa lamang. Iyon ang pinakaaantay kong tiyempo na sasabihin niya.

Binuweltahan ko siya. Sinabi ko sa kanya na si Peter ay nakulong ilang taon na ang nakakaraan dahil sa kasong carnapping. “Eh Sir, prineym-ap lang siya ng mga pulis,” ang eksaktong sagot ni Labrador.

Pero sinegunduhan ko iyon at sinabi ko sa kanya na siya mismo ay mayroon ding kasong carnapping na nakabinbin. “Eh sir, prineym-ap din lang ako ng mga pulis,” ang eksaktong sagot pa rin ni SPO4 Labrador. Sinundan niya iyon nang animo’y pilyong halakhak.

Ang kuwentong ito ay mapapaanood sa susunod na episode ng WANTED sa TV5, Friday, February 25, pagkatapos ng Aksyon Journalismo (late night news).

Ang WANTED SA RADYO naman ay nasa 92.3 FM na (Radyo 5). Ito ay mapapakinggan Lunes hanggang Biyernes, 2:00 – 4:00 p.m.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.