Lacson, kakasuhan ang dawit sa bunkhouse anomaly

TINIYAK NI Presidential Assistanct for Rehebilitation and Recovery Panfilo Lacson na agad isasampa sa Office of the Ombudsman ang kasong graft sakaling makumpleto na ang pagsisiyasat hinggil sa maanomalayang pagpapatayo ng bunkhouses para sa mga biktima ng supertyphoon Yolanda sa Eastern Visayas.

Nilinaw ni Lacson na hindi kailangang bigyan ng isa pang pagkakataon ang sinumang mapatutunayan na dawit sa umano’y sub-standard na pagpapatayo ng pansamantalang tirahan ng mga libu-libong biktima ng nasabing kalamidad, sa halip ay dapat nang ipagharap ng asunto.

Aniya, mayroon siyang mga dokumento kaugnay ng program of works, bills of materials and specifications ng proyekto na kailangan niyang ikumpara sa DPWH kung ito ay magkakatugma.

Base sa kanyang nakalap na pagsisiyasat, sa halip na na flywood ay flyboard ang ginamit sa pagpapatayo ng mga temporary shelters at kumita ang mga sangkot mula 30 hanggang 35 porsiyentong kickbacks.

Bagama’t itinanggi na ni DPWH Sec. Rogelio Singson ang nasabing akusasyon, nakikipag-ugnayan pa rin si Lacson sa kagawaran para sa malalimang pagsisiyasat.

Humingi na rin ng tulong ang dating mambabatas sa PNP-CIDG upang mapabilis ang imbestigasyon sa natuklasang katiwalian.

Lumalabas sa impormasyon ni Lacson, sinasabing isang pulitiko ang nakikipagsabwatan sa mga contractor, bagama’t tumanggi muna itong pangalanan.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.