Labuyo, Santi at Yolanda, ‘di na ipapangalan sa bagyo

HINDI NA muling gagamitin ang pangalan ng tatlong malalakas na bagyong tumama sa bansa nitong 2013.

Sinabi ni National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesperson Major Reynaldo Balido na bukod sa Yolanda ay tinanggal na rin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) sa listahan ng mga pangalan ng bagyo ang Labuyo at Santi.

Sang-ayon sa panuntunan ng ahensiya na inuulit ang pa-ngalan ng bagyo tuwing apat na taon. Pero simula sa 2017, hindi na makikita sa listahan ang Labuyo, Santi at Yolanda.

Napagdesisyunan na alisin ang pangalan ng mga bagyong nag-iwan ng 300 o higit pang nasawi o kaya naman ay pumalo sa P1 bilyon ang iniwang pinsala.

Matatandaan na ang Bagyong Labuyo na nanalasa sa Hilagang Luzon noong Agosto 2013 ay nag-iwan ng 11 patay, tatlong nawawala at mahigit sa P1.4 bilyong pinsala sa pananim at imprastraktura.

Ang Bagyong Santi naman na dumaan sa Gitnang Luzon noong Oktubre ay may iniwang 15 patay, limang nawawala at mahigit sa P3.2 bilyong pinsala.

At ang Bagyong Yolanda na pinakamalakas sa lahat ng bagyo na nanalasa sa Kabisayaan at Palawan at umabot sa mahigit P36 bilyon ang pinsala habang mahigit 6,000 ang binawian ng buhay.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.