Labis na kalupitan!

AKALA KO SA mga soap opera na napapanood sa telebisyon nangyayari lamang ang labis-labis na pagmamaltrato ng isang matapobreng doña sa kanyang pobreng kasambahay. Pero noong Lunes, December 6, nagkaroon ako ng pagkakataon na maka-face to face ang isang kaawa-awang menor de edad na kasambahay na biktima ng sobrang tinding pagmamaltrato ng kanyang babaeng amo. Mas matindi pa kaysa sa mga napapanood natin sa mga teleserye.

Si Nene, (hindi niya tunay na pangalan) 14 years old ay dumulog sa WANTED SA RADYO (WSR). Katatakas lamang ni Nene mula sa kanyang amo. Lumundag siya mula sa 2nd floor ng bahay ng kanyang amo kaya siya nakatakas. Matindi ang pagbabantay sa kanya at hindi siya puwedeng basta na lamang dumaan sa pintuan at lumayas.

Ayon kay Nene, hindi na niya nakayanan ang sobrang kalupitan ng amo niyang si Laila Valencia kaya pinilit na niyang tumakas. Unang ipinakita ni Nene sa inyong SHOOTING RANGE ang bukol at peklat sa bandang gilid ng kilay ng kanyang kaliwang mata. Ipinakita rin niya sunod ang mga pasa sa kanyang mga balikat.

Sa konting hindi sinasadyang pagkakamali, hinahampas daw siya ng bakal ng sinturon ng kanyang amo. Minsan, nakaligtaan ni Nene sa kanyang paglalaba na alisin ang isang munting dumi sa damit ng kanyang amo at sa galit ng amo, pinaghahampas siya ng bakal ng sinturon.

Sunod na ipinakita ni Nene ang bukol at sugat sa kanyang bumbunan. Itinabi niya raw kasi ang pressure cooker sa lagayan nito matapos niyang hugasan ng hindi pa ito lubos na natutuyo. Nagalit ang kanyang amo at dahil doon inihampas sa kanyang ulo ang mismong pressure cooker. Ipinakita rin ni Nene ang malalim na sugat sa kanyang kaliwang braso na ayon sa kanya ay sanhi ng tama ng pako na nakausli sa kahoy na ihinampas sa kanya.

May mga pagkakataon ding sa hindi malamang dahilan, pinapatakan ng kandila si Nene sa iba’t ibang parte ng kanyang katawan. May insidente ring inutusan si Nene na magpakulo ng tubig at pagkatapos ay dalahin iyon sa banyo para pampaligo ng kanyang amo. Nang papasok na si Nene ng banyo dala-dala ang kumukulong tubig itinulak siya ng kanyang amo at pagkatapos ay ibinuhos ang tubig na iyon sa kanyang likuran at harapan. Ipinakita ni Nene sa inyong SHOOTING RANGE ang bakas ng pagkakapaso sa kanyang likod na parang mapa ng Pilipinas.

Ipinakita rin ni Nene ang nangingitim na mga kalyo sa kanyang mga tuhod. Ayon kay Nene, hindi gusto ng kanyang amo na nagwawalis siya ng mga dumi gamit ang walis tambo at kapag nakitang gamit niya ito, hinahampas sa kanya ang mismong walis tambo. Kinailangan daw kasing nakaluhod siya gamit ang isang basahan habang nilalampaso ang mga dumi sa buong bahay at hindi siya puwedeng tumayo.

Ayaw rin ng amo ni Nene na nakikita siyang nag-aalmusal dahil kung hindi, makakatikim na naman siya ng parusa. Sa pananghalian at hapunan lamang siya pinapayagang kumain ng mga tira-tira.

Nakausap ng WSR si Laila, mariing pinasinungalingan niya ang mga sumbong ni Nene. Gumagawa lamang daw si Nene ng kuwento at ang mga sugat sa kanyang katawan ay sanhi raw ng madalas na pagkakadulas ni Nene.

Sa mga oras na isinusulat ang istoryang ito, sa tulong ng WSR, nagsasampa na ng kaso si Nene laban sa kanyang amo – kasong Child Abuse.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.