Kuta ni Deniece, tukoy na

TUKOY NA ng mga miyembro ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kinaroroonan ng modelong si Deniece Cornejo, na kabilang sa ipinadadakip ng korte dahil sa kinakaharap na kasong serious illegal detention hinggil sa pambubugbog sa aktor na si Vhong Navarro.

Sa presscon sa NBI headquarters na pinangunahan nina NBI-National Capital Region, Director Atty. Elfren Meneses at Assistant Regional Director Jun De Guzman ay kanilang inihayag na tukoy na nila ang pinagtataguan ng modelo.

Hindi naman idinetalye ang nasabing lugar na kinaroroonan ni Cornejo para hindi masunog ang ginagawang operasyon.

Ipinakita rin sa press sina Cedric Lee at Simeon “Zimmer” Raz, habang sila ay nakaposas na kasalukuyan ay nakakulong sa NBI detention cell.

Mananatili muna ang dalawang akusado sa NBI detention facility habang hinihintay pa ang ipalalabas na commitment order ng hukuman o ang kautusan kung saang kulungan sila dapat na idetine.

Maaalala na sina Lee at Raz ay nadakip ng pinagsanib na puwersa ng NBI, ISAFP at PNP sa Oras, Eastern Samar noong Sabado.

Binanggit pa ni NBI Deputy Director Rafael Ragos na ang isa pang akusado na si Jed Fernandez ay nakatakdang sumuko matapos magpadala ng surrender feeler sa NBI.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.