Kung positibo sa lab test
Anthrax Outbreak, Idedeklara sa Cagayan

BAGAMA’T SUSPECTED Anthrax pa lamang ang tumama sa mga nasawi na alagang kalabaw na kinatay at inulam ng mga residente ng Brgy. Abariongan Ruar, Sto. Niño, Cagayan, nagsasagawa na ng information dissemination campaign ang Provincial Veterinary Office (PVet) kontra sa sakit sa nasabing lugar.

Muli namang nagpalabas ng babala sa mga magsasaka na kung mayroong namamatay na alagang kalabaw na huwag na itong katayin at kainin pa bagkus ibaon ito sa lupa lalo na kung biglaan at hindi alam ang sanhi ng pagkamatay.

Ipinayo ni Dr. Jaime Guillermo ng PVet sa mga magsasaka roon na huwag nang ipastol pa ang mga alagang kalabaw o baka sa lugar kung saan namatay at kinatay ang nangamatay na alagang kalabaw upang hindi ito mahawa.

Nabatid na dalawang kalabaw ang magkasunod na namatay sa Brgy. Abariongan Ruar na kinain naman ng mga residente kamakailan.

Umabot na sa 202 ang mga nagpapadala sa pagamutan dahil sa takot nang makitaan ng mga senyales ng sakit na Anthrax ang walo sa mga kasama nilang kumain ng double dead na karne ng kalabaw.

Ayon kay Dr. Carlos Cortina ng provincial health office, nakaramdam ang walong katao ng pangangati ng balat, skin rushes, galis, pananakit ng tiyan at sugat.

Aminado naman si Guillermo na nakababahala ang pagkamatay ng mga alagang hayop doon at maaaring ideklara ang Anthrax outbreak sa lugar kung magpositibo sa kanilang pagsusuri na Anthrax nga ba ang ikinamatay mga kalabaw na tumama rin sa mga residente.

Aniya, matagal na panahon bago nagkaroon muli ng kaso ng Anthrax doon kung sakali.

Nabatid kay Guillermo na nasa laboratory ng Department of Agriculture (DA) Region 2 ang kinuhang soil sample at inaasahang ilalabas ang resulta ng pag-aaral pagkatapos ng dalawang linggo.

Hindi sila makagpagsagawa ng bakuna kontra Anthrax sa mga alagang hayop doon dahil walang available na gamot mula pa noong 2011 matapos masira ang kagamitan ng Bureau of Animal Industry (BAI) na siyang gumagawa nito, dagdag pa ng opisyal.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.