Kundisyon sa Divorce Bill, Ipinaliwanag ng Gabriela

BATID NG Gabriela Women’s Party na marami ang tumutuligsa sa panukalang diborsyo sa Pilipinas.

Kasunod ng muling paghahain ng Divorce Bill sa 16th Congress, iginiit ni Gabriela Representative Luz Ilagan na inirerespeto pa rin nila ang institusyon ng kasal at nilinaw na hindi maaabuso ang isinusulong na panukala, dahil sa limang kondisyong nakapaloob dito.

Inisa-isa ni Ilagan ang mga kondisyon para sa inirerekomendang diborsyo sa mga mag-asawang Pinoy na dumadaan sa matinding problema.

Kabilang aniya rito ang mga sumusunod: 1. Kung ang mag-asawa ay limang taon nang hiwalay

“Marami naman tayong kababayan na naghiwalay na dahil hindi na matiis ‘yung kanilang pagsasama, at least five years or more, at wala nang pag-asa pang sila ay mag-reconcile, p’wede nang mag-apply for divorce.”, 2. Kung ang mag-asawa ay legally separated na. “Hiwalay na by the court… pero hindi pa rin p’wedeng mag-asawa muli, p’wede na ring mag-apply for divorce.”, 3. Kung ang mag-asawa ay may mga basehan na para sa legal separation. “Halimbawa rito ang marital infidelity o abandonment o domestic violence.”, 4. Kung ang isa o ang dalawa sa mag-asawa ay psychologically incapacitated at 5. Kung mayroon silang irreconcilable differences.

Sinabi ng Gabriela na nakatutulong naman ang legal separation at annulment sa mga mag-asawang Pinoy na nais maghiwalay na. Pero hindi aniya ito sapat.

Base sa ilalim aniya ng Konstitusyon, pinapayagan ang diborsyo sa mga Muslim at panahon na rin itong ipahintulot sa lahat ng mga Pinoy.

Batid ni Ilagan na isa pa rin sa matinding tutuligsa sa kanila ang Simbahan, pero positibo aniya ang Gabriela na mabibigyang prayoridad na ang Divorce Bill ngayong 16th Congress.

 (PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.