KTV Bar, Hinagisan ng Granada; 4 na GRO, 1 Bouncer, Kritikal

APAT NA guest relation officer (GRO) at isang bouncer ng isang KTV bar ang nasa malubhang kalagayan makaraang hagisan ang mga ito ng granada ng isang hindi nakilalang suspek na nakasakay sa isang pampasaherong dyip sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Ang mga biktima na pawang nakaratay ngayon sa East Avenue Medical Center (EAMC) sa Quezon City sanhi ng mga tama shrapnel ng granada sa iba’t ibang parte ng katawan ay nakilalang sina Rodel Macario, 37, bouncer; Gwendel Corneta, 24; Jenelyn Tungala, 29; Robalyn Favillar, 23; at Marlyn Velarde, 41, na pawang personnel ng Lady Ash KTV Bar na matatagpuan sa Capitan Borromeo St. cor. Camia St., Libis Area A, Brgy. 175 ng nabanggit na lungsod.

Base sa ulat ni SPO4 Joselito E. Delos Reyes, may hawak ng kaso, bandang alas-10 ng gabi nang maganap ang nasabing insidente sa harapan ng nabanggit na KTV bar sa nasabing lugar.

Ayon kay SPO4 Delos Reyes, kasalukuyang nakatayo ang mga biktima sa naturang KTV bar at nag-uusap-usap nang biglang dumating ang hindi nakikilalang suspek sakay ng isang pampasaherong dyip na walang plate number at agad na inihagis ang isang fragmentation granade sa mga biktima.

Matapos ang pagsabog ay mabilis na tumakas ang suspek sakay ng nabanggit na sasakyan sa hindi nabatid na direksiyon, habang agaran namang dinala ang mga sugatan sa Jose Rodriguez Hospital sa Tala, Caloocan, at makalipas ang ilang minuto ay agad namang inilipat ang mga biktima sa EAMC kung saan nasa kritikal pang kalagayan ang mga ito.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ng follow-up investigation ang Caloocan Police upang malaman kung sino ang may kagagawan at kung ano ang motibo sa paghahagis ng granada sa mga biktima.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.