Krudo, Tumagas sa Tugboat; Mga Residente, Umapela ng Tulong

KAWALAN NG pagkakakitaan at pagkasira ng likas na yaman ang idinadaing ng mga residente ng Brgy. Sogod sa San Agustin, Romblon matapos tumagas ang langis sa kanilang baybayin.

Ayon kay Herbert Mijares, presidente ng mga maliliit na mangingisda sa Brgy. Sogod, bukod sa epekto nito sa dagat ay naapektuhan na rin ang kanilang kabuhayan.

Inaabot na umano ng pagtagas ang mahigit isang kilometro ng baybayin ng buong barangay, ani Mijares.

Mahigit 100 pamilya sa tabing-dagat na rin umano ang apektado ng oil leak.

Sinasabing Oktubre 25 nang kumubli sa kanilang baybayin ang tugboat na MTPSC Matibay, na hila pa ang isang barge dulot ng pananalasa ng bagyong Ofel.

Galing umano ng Maynila at patungo sana ng Cebu ang tugboat na may karga umanong 14,000 litro ng krudo.

Binayo umano ng malalaking alon ang tugboat dahilan upang bahagya itong lumubog at tumagas ang lamang langis.

Nang inilapit umano nila ang kanilang reklamo sa lokal na Coast Guard ay pinabulaanan nito ang posibilidad ng oil leak.

Naglagay na rin umano sila ng oil spill booms sa dagat para mapigilan ang pagkalat ng tagas.

Iginiit naman ng kapitan ng tugboat na si Alexander Sabarino na hindi na tumatagas ang krudo dahil naselyuhan na ito bagama’t aminado ito na may nauna nang tumagas mula rito.

Dahil dito, humingi na ng tulong ang mga residente sa pamahalaan na aksyunan na ang nasabing oil leak.

Samantala, inirereklamo rin ng mga residente ang tila kawalan ng aksyon ng Coast Guard sa kanilang mga hinaing.

Sa ngayon, hindi pa rin umano tiyak kung kailan maiaalis ang tugboat sa nabanggit na lugar.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.