Krista Ranillo, may pasabog pagbalik sa ‘Pinas?!

NASA FHM 10TH anniversary celebration ang mag-partner na Troy Montero at Aubrey Miles kaya hindi sila nakaligtas sa isyung hiwalayan nina KC Montero at Geneva Cruz.

Wala rin naman silang naibigay na impormasyon tungkol sa isyung ‘yun dahil wala raw silang alam.

Ani, Aubrey nasa bahay pa raw nila ang mag-asawa nu’ng nakaraang linggo kaya nagulat na lang daw sila nang lumabas ang balitang ‘yun.

Sabi naman ni Troy, ang pagkakaalam niya matagal nang may problema ang kapatid niya at si Geneva, pero sinisikap daw nilang maayos ‘yun.

Pagkatapos inilabas ni Kuya Ricky Lo ang isyung ‘yun, lumipad na patungong Texas si KC para sa laban ni Pacman at si Geneva naman ay umalis din patungong Amerika para raw sa matagal na niyang commitment doon.

Kamakailan lang ay nakorner ng Tweetbiz si KC at tinanong na sa kanya ang tungkol sa hiwalayan pero tumanggi ito. Okay naman daw silang mag-asawa kahit may mga pinagdaraanang problema minsan, pero naayos naman daw. ‘Yun pala, hiwalay na sila nu’ng araw na ‘yun.

Ang nakarating na balita sa amin, nu’ng nasa Amerika pa lang sila ay nagkakaproblema na pero pinipilit nilang maayos. Isa raw ‘yun sa mga dahilan kung bakit bumalik dito sa Pilipinas si Geneva. Sumunod naman si KC, pero pabalik-balik ito ng Amerika at gan’un pa rin daw ang problema nilang mag-asawa, hanggang sa nag-decide na silang maghiwalay.

Pero nilinaw ng aming source na walang third party involved sa hiwalayang ‘yun. Meron lang daw ‘di napagkasunduang hindi na maaayos.

Pagkatapos ng tagumpay ni Manny Pacquiao laban kay Joshua Clottey, nag-concentrate na ito sa kanyang singing career.

Pagkatapos ng laban ay meron kaagad itong victory party at concert para sa mga kababayan natin doon.

Bago ito bumalik ng bansa ay dadaan pa si Pacman sa Hawaii para sa isa ring concert doon at meron din yata siya rito, bago siya mag-concentrate sa pangangampanya.

Ngayon, ang tanong ng karamihan, nasaan si Krista Ranillo habang nasa laban si Pacman? Nandu’n din kaya siya sa Texas para manood?

Ilang linggo bago ang laban ni Pacman ay nakausap namin ang manager ni Krista na si Arnold Vegafria para alamin kung may balak pa bang bumalik dito si Krista.

“Babalik siya. May commitment siya rito. Meron siyang show sa TV5 tapos may gagawin pa siya sa ABS-CBN,” sagot sa akin ni Arnold.

Tinanong din namin siya noon kung manonood ba si Krista ng laban. Tingin daw niya, hindi dahil babalik na raw ito sa bansa bago ang laban. Pero wala pa rin si Krista at lalong dumarami ang nagtatanong kung may balak pa ba siyang bumalik.

Nakipag-ugnayan naman sa Startalk ang ilang taong malapit kay Krista at sinabi nga nilang babalik siya rito at magpapa-interview daw ito sa Startalk dahil meron siyang mahalagang sasabihin.

Kaya abangan na lang natin kung meron nga bang pasasabugin si Krista. Kaya lang wala pa rin siya hanggang ngayon. Tutuloy nga kaya ang pagbabalik niya?

By Gorgy’s Park

Previous articleAngel Locsin, sa ibang tao pa nalaman ang pagkakatsugi!
Next articlePinoy Parazzi Vol. III Issue #266: March 16, 2010

No posts to display