Kris Bernal, mas type si Sen. Bong Revilla Jr. kaysa kay Jolo Revilla!

ANG ISA sa magandang leading lady sa Ang Panday 2, na entry ng GMA Films at Imus Production, ang nagsabing wala nang balikang magaganap sa kanila ng singer na si Jay Perillo. Tsika pa ni Kris Bernal, walang third party involved sa kanilang hiwalayan. Nag-away lang daw sila dahil mayroong hindi sila pinagkasunduan na nauwi na nga sa break-up at hindi na naayos pa.

Kaya naman dahil single ito ngayon ay binibiro-biro ito sa anak (Jolo Revilla) ng mabait at masipag na Senador Bong Revilla, na balitang wala ring karelasyon right now, na nagpapangiti kay Kris sa ngayon kahit sugatan ang kanyang puso.

Pero biro ni Kris na kung nagkataong binata lang daw si Senator Bong ay 100% daw nitong sasagutin ito. Bukod daw kasi sa napakaguwapo ng senador at super gentleman pa raw nito at sobrang bait.

Sa ngayon nga raw, mas binibigyang-pansin ni Kris ang kanyang blooming career at pass daw muna sa pagkakaroon ng boyfriend. Mabuti na lang daw at marami siyang proyektong ginagawa at nagiging busy siya para mas madaling makalimot sa sakit na dulot ng paghihiwalay nila ni Jay.

 

HINDI MAN daw ganu’n kadami ang project ng future matinee Idol ng ABS-CBN at miyembro ng Gigger Boys na si Benjamin De Guzman, willing daw itong maghintay na mapapansin din siya ng ABS-CBN big boss at bibigyan ng magandang proyekto katulad ng proyekto ng kasamahan nito sa Gigger Boys na sina Sam Concepcion, Enchong Dee at Enrique Gil.

Hindi naman daw nagmamadali ang talented na young actor na magaling kumanta, umarte , sumayaw at mag-host, dahil naniniwala raw ito na may kanya-kanyang oras lang daw ‘yan at alam niyang darating din ang kanyang oras.

Dalawa naman daw ang kanyang show sa Dos ang ASAP Rocks, kasama ang kanyang grupong Gigger Boys at ang Angelito: Batang Ama, bilang kaibigan naman ni Angelito na gina-gampanan ni JM De Guzman.

Dream din daw ni Benjamin na makagawa ng pelikula sa Star Cinema o Regal Films kasama ang young star na si Kathryn Bernardo na isa sa showbiz crush ng guwapitong young actor at image model ng URBAN Edge Clothing.

 

EXCITED NA raw mapanood ng GMA Star at isa sa pinakabagong Regal Baby na si Hiro Magalona ang kanyang kauna-unahang pelikula ang Regal Films entry sa 2011 Metro Manila Film Festival na Shake, Rattle & Role 13, Parol episode.

Kung saan kabituin nito sa nasabing SR&R 13 episode sina Kathryn Bernardo, Sam Concepcion, Ina Raymundo, Ara Mina, Louise Delos Reyes, atbp. ‘Di pa raw kasi artista si Hiro ay dream na nito ang makita ang sarili sa big screen, kaya naman daw very thankful siya kay Mother Lily at Ms. Roselle Monteverde-Tiu dahil isinama siya sa SR&R 13.

Bukod sa SR&R 13, kasama rin si Hiro sa tambalang Ruffa Gutierrez at Gabby Concepcion na hatid din ng Regal Films na ipalalabas sa 2012, kung saan ka-loveteam nito ang batang komedyanang si Kiray Celis sa nasabing pelikula at mula sa direksiyon ni Joel Lamangan.

 

SA GANDA ng special effects ng Ang Panday 2 na pinagbibidahan ni Senator Bong Revilla, Jr. ay marami ang nagsasabing malaki ang posibilidad na makopo ang unang spot sa box-office hits.

Marami nga ang namamangha sa ganda ng trailer ng pelikulang ito ng GMA Films at Imus Production na sinamahan pa ng mga maniningning na artista sa telebisyon at pelikula mula kay Iza Calzado, Philip Salvador, Marian Rivera, Kris Bernal at ang mga sikat na young stars ngayon na sina Jake Vargas, Barbie Forteza, Joshua Dionisio at ang napakamatulunging si Bea Binene.

Pero kung si Sen. Bong ang masusunod, mas gusto raw nitong panoorin at suportahan ng mga Pilipino ang lahat ng pitong pelikulang ipalalabas simula Dec. 25, para lahat daw ay maging masaya.

 

John’s Point
by John Fontanilla

loading...

6 thoughts on “Kris Bernal, mas type si Sen. Bong Revilla Jr. kaysa kay Jolo Revilla!

Leave a Reply

Your email address will not be published.