Kris Aquino, inaming hindi sila okay ni James Yap!

NAKA-USAP NAMIN si Kris Aquino sa presscon ng Sisterakas na isa sa Metro Manila Film Festival entry ng Star Cinema, kung saan inamin ng TV host/actress na ‘di sila nag-uusap ngayon ng dating asawa na si James Yap. Taliwas ito sa naging pahayag ng basketbolista na magkaibigan sila ni Kris.

Ayon sa aktres, ayaw niyang magsinungaling at magpakaplastik para sabihing maayos sila gayong ang totoo ay hindi naman. Hindi naman nagbigay pa ng detalye sa dahilan ng samaan ng loob nila ng ex-husband, pero para kay Kris ay mas mabuti na magkaroon na lang sila ng distansiya ni James at tanggapin na lang na mas mabuti kung ganoon ang kanilang magiging sitwasyon.

Inang-ina rin na nagkuwento na may girlfriend na ang anak na si Bimby na ikinuwento ni Kris na hindi Pilipina ang nagugustuhan nitong kaklase. Nagtawanan ang lahat nang sabihin ng TV host na sana ay maganda, matalino at mamahalin siya ng babaeng pakakasalan ng anak pagdating ng panahon para dito niya ipapamana ang mga nagmamahalang mga bags at sapatos.

Masayang-masaya rin na ibinahagi ni Kris sa press na 92 lbs na ang nababawas sa timbang ni Joshua at kaunti na lang ay maaabot na nito ang target na mabawas na timbang na 100 lbs. Proud na proud na grabe ang disiplina ngayon ng panganay na anak sa pagkain at anim na araw sa loob ng isang linggo ay nasa gym ito. Sa ngayon ay nakikita ang mga positibo na binubunga kay Joshua ng pagpayat nito hindi lamang sa mga pisikal nitong pagbabago kundi maging sa pananaw nito sa buhay.

Masaya ang lahat sa bonggang raffle na ipinamigay nina Kris, Ai-Ai delas Alas, Vice Ganda at Direk Wenn Deramas para sa lahat ng mga dumalong press.

 

NAKA-USAP DIN namin si Vice kung saan inamin nito na dumaan din naman sa pagsubok ang pagkakaibigan nila ni Kris pero naayos kung anuman ang naging gusot nila na nagpatatag sa kanilang pagkakaibigan. Tinanong din ang naging samaan nila ng loob ni Ai-Ai kung saan nagkaroon din sila ng kaunting hidwaan dati ng Comedy Queen, masayang nagkuwento si Vice na maganda ang naging samahan nila nito at ‘di mo kababakasan na nagkaroon ng isyu sa kanila dati.

Naging maganda ang takbo ng 2012 para kay Vice kung saan tinanghal siya bilang Phenomenal Box-Office Star dahil ang pelikula nitong Praybeyt Benjamin ang highest grossing movie sa record ng mga naipalabas na pelikula sa showbizness, mataas ang ratings ng It’s Showtime, tumabo rin sa takilya ang This Guy’s In Love With You Mare at ngayon nga ay hinuhulaan na isa sa mangungunang pelikula sa darating na MMFF ang pelikulang Sisterakas.

Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.