Kredibilidad ni Lozada, pinagdududahan

NAHIRAPANG IPALIWANAG NI “whistleblower” Rodolfo “Jun” Lozada ang kanyang diumano’y hindi pakikialam sa maanomalyang paggamit ng mga pampamahalaang proyekto noong siya pa ang “personal technical adviser” ni dating NEDA director general Romulo Neri.

Sa nakaraang pagdinig sa Anti-Graft Case ni dating Comelec Chairman Benjamin Abalos sa Sandiganbayan, sinagot ni Lozada ang mga katanungang ibinato ng abogado ni Abalos na si Gab-riel Villareal. Inamin ni Lozada na may nalalaman diumano siya sa mga maanomalyang proyekto ng Philippine Postal Service, South Rail Project at Philippine Forest Corp (PFC) na kanyang pinamunuan noong 2006 hanggang 2008.

Sa nasabing pagdinig, iprinisinta ni Lozada ang malawak niyang karanasan at kaalaman bilang isang communications and electronics engineer hinggil sa mga proyektong pinuhunanan ng gob-yerno.

Inamin din ni Lozada na wala siyang ginawa bukod sa pag-ulat kay Neri na umano’y malapit niyang kaibigan patungkol sa $70 million overpriced sa South Rail Project.

Bukod dito, inamin din ni Lozada ang kanyang pagpayag na maitabi ang P14 milyon pondo ng PFC parte ng P19 milyon na pondo mula sa NEDA na ayon sa kanyang disposisyon “bilang kaibigan ni Neri”. Ang actual na gastos ng PFC project ay P5 milyon.

Napag-alaman din sa nakaraang pagdinig na si Lozada ay may mga nakabinbing kaso sa Ombudsman dahil sa mga maanomalyang pagkakasangkot niya bilang dating pangulo ng PFC.

Ilan sa mga alegasyong ito ang personal na transaksyon niya sa pagkuha ng life insurance policy commission mula sa pribadong ahensiya na pinangangasiwaan ng kanyang asawa.

Kasunod ang pag-award ng 50 ektaryang Reforestation Project Contract ng PFC sa kanyang mga kaanak. Napag-alamang hindi dumaan sa bidding process ang P15 milyon IT contract ng PFC.

Inamin ni Lozada na siya ang nagsulong ng ZTE-Joey de Venecia partnership para sa NBN Project na may garantiyang $65 million margin sa ZTE.

Inamin ni Lozada na kalahati lamang ang presyo nito at mas mainam kumpara sa iniaalok ni Abalos.

Nang tanungin ng mga mahistrado hinggil sa kanyang katayuan sa nagawang katiwalian, sinabi ni Lozada na ang $65 milyon ay nakapaloob pa sa kanyang “permissible zone of morality.”

Ayon sa ilang tagamasid, kung magpapatuloy ang pagkasira ng kredibilidad ng mga testigo ng prosekusyon, malaki ang posibilidad nang pagkabasura sa kasong inihain laban kay Abalos.

(ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.