Kredibilidad ng Supreme Court

KUNG MAGANDA ANG layunin, kung makabayan ang adhikain at kung naaayon sa batas ang isinusulong ng ating Kataas-taasang Hukuman…  saludo tayo sa kanila.

Ang tinutukoy natin, parekoy, ay ang masalimuot na landas na kasalukuyang tinatahak ng ating Korte Suprema. Unang pumasok sa kontrobersiya ang Supreme Court noong magpalabas ito ng desisyon laban sa hakbang ng Lower House o Kongreso na isulong ang impeachment case kontra kay Ombudsman Merceditas Gutierrez.

Kahit nagwawala ang ilang kongresista dahil maliwanag umanong panghihimasok ito ng Judiciary sa Legislative branch ng pamahalaan, hindi natinag ang ating SC justices.

Marami kasing suporta ang natamo ng SC sa kanilang hakbang dahil maliwanag na nagkaroon ng “question of law” sa usaping ito. Na sa tingin natin ay dapat naman talagang repasuhin ng Supreme Court. Upang sa darating na panahon ay maging klarado kung kailan mag-uumpisa ang pagbilang ng mga araw mula sa unang complaint at sa mga susunod pang reklamo laban sa isang impeachable official.

Sumunod na nakabangga ng SC ay ang Palasyo dahil sa ginawa nitong pagpapatigil sa kautusan ng Malakanyang na sibakin sa puwesto ang isang pinaniniwalaang “midnight appointee.”

Dito sa pangalawang “status quo ante order” na ipinalabas ng SC, bagamat nag-alburuto ang Palasyo ay muli na namang namayagpag ang desisyon ng Korte Suprema. Ang dahilan, suportado muli ng napakaraming “maalam sa batas” ang kanilang hakbang. Dahil hindi naman daw ito panghihimasok ng Judiciary sa ating Executive branch.

Kumbaga, ang mga laban na ito ng Supreme Court “in two fronts” (Judiciary vs Executive and Legislative branches) ay naglagay sa ating Kataas-taasang Hukuman sa pedestal. Dahil ipinamumukha nila sa mundo na dito sa ‘Pinas ay nakikipaglaban ang “batas” sa sinumang nagnanais na ito ay pilipitin.

Pero rito sa pangatlong “giyera” na pinasok ng SC ay kabado na tayo.

Sa totoo lang!

Sa ipinalabas kasing utos ng SC kamakailan sa mga professor ng University of the Philippines kung saan pinagpapaliwanag ang mga ito kung bakit hindi sila dapat disiplinahin ng Korte Suprema dahil sa kanilang pagpapalathala sa Inquirer ng kanilang kahilingan na mag-resign si SC Associate Justice Mariano Del Castillo.

Nag-ugat ito, parekoy, sa isang desisyong ipinalabas noon ni Hon. Del Castillo kung saan naglagay siya ng mga pangungusap na kung babasahin ay mistulang sa utak mismo niya nanggaling ang nasabing mga salita. ‘Yun pala, mga iskolar sa Amerika ang may-ari ng nasabing mga pangungusap.

Sa batas, parekoy, kapag “hiniram” mo lang ang isang pangungusap ay dapat mong ilagay kung sino ang tunay na may-ari nito… kapag hindi mo ito ginawa, maliwanag na “plagiarism” o pangongopya.

At d’yan, parekoy, sumiklab ang ating UP Law professors.

Pero sa pag-iimbestiga ng SC, hindi raw sinadya ni Del Castillo ang naganap.

Ang masakit, ang mga abogado ng UP ang binuweltahan ng SC dahil hindi raw nararapat ang kanilang batikos kay Del Castillo.

Ngayon ay kumbinsido na si parekoy, na ang yabang at pagmamalabis ay hindi karaniwang gawain ng mga ordinaryong tao.

Maging ang Supreme Court ay pinapasok din nito!!!

Sa isyung ‘yan, nanganganib ang kredibilidad ninyo, mga sir!!!

Target
ni June Briones
jabriones10@yahoo.com
09152121303

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.