Kotong Cop

MAY BAGO NA naman kayong mapagsusumbungan at makatitiyak kayong mabibigyang-solusyon ang inyong mga hinaing, bukod sa WANTED SA RADYO (WSR). Ito ay ang ITIMBRE MO KAY TULFO (IMKT), isang segment sa newscast ng Balitaang Tapat sa TV5 na mapapanood Lunes hanggang Biyernes mula 11:30 – 12:00 p.m., kung saan ang inyong SHOOTING RANGE ang main anchor.

Tulad ng WSR, ang IMKT ay may mga field reporter na siyang magsasagawa ng imbestigasyon laban sa mga isinusumbong at sasama sa mga taong nagsusumbong sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na makatutulong sa pagbigay ng solusyon sa kanilang mga idinudulog na problema.

At tulad ng WSR, tututukan ng IMKT ang bawat sumbong at hindi bibitiwan hangga’t hindi nagkakaroon ng solusyon.

Dahil dito, labis na nagpapasalamat ang inyong SHOOTING RANGE sa inyong lahat, sa patuloy na pagdagsa ng inyong tiwala. At dahil diyan, ang IMKT ay inilunsad upang mas lalo pang matugunan ang dumarami at samu’t sari ninyong mga sumbong. At hihiramin ko ang linya ni P-Noy sa kanyang inaugural speech, “Kayo ang Boss ko.”

SI PO1 ALFIE Restor ng Pateros PNP ay nagtangkang mangotong sa isang pobreng taxi driver noong November 5. Dahil lamang doon, nanganganib na siya ay masibak sa serbisyo. Ito ay kung pagbabasehan na rin ang mga pananalita na binitiwan ng butihing alkalde ng Pateros na si Jaime Medina. Si Mayor Medina ay babansagan ng inyong SHOOTING RANGE na “Kaaway ng mga pasaway at kakampi ng mga mabubuti.”

Ayon kay Pejie Pura, habang binabagtas niya ang kahabaan ng Mercilla Street sa barangay Poblacion sa Pateros, bandang alas-onse ng gabi ng nabanggit na petsa, pinara siya sa isang checkpoint.

Agad na hiningi ni PO1 Restor ang lisensiya ni Pejie dahil daw sa violation na naka-high beam ang headlight ng minamaneho nitong taxi. Bagamat hindi totoo, at walang ganoong klaseng traffic violation, hindi na lang pumalag si Pejie at ibinigay niya ang kanyang lisensiya.

Inutusan ng pulis si Pejie na itabi ang kanyang taxi at sumunod sa mobile car at sa loob ng sasakyan sila mag-uusap.

Sapagkat masugid na tagapakinig ng WSR si Pejie, sinunod niya ang paulit-ulit na payo ng programa na kapag ikaw ay pinara ng pulis dahil sa isang traffic violation at pinasusunod sa presinto at kung saan pa man, huwag kang pumayag. Sa halip, hilingin sa pulis na agad kang tiketan sa mismong lugar kung saan ka pinara.

Namuti ang mata ni PO1 Restor sa loob ng mobile sa kaaantay kay Pejie. Kaya bumaba na ito ng mobile at lumapit sa taxi ni Pejie. Dali-daling tiniketan niya si Pejie.

Sa sobrang taranta at hindi alam ni Restor kung ano ang puwedeng maisulat niya sa ticket, nailagay niya ang violation na Out Of Line—isang violation na applicable lamang sa mga public utility jeep at bus, ayon na rin sa traffic management office ng Pateros na siyang nag-deputized kay Restor.

Tinawagan ng WSR ang hepe ni Restor na si Col. Daniel Macatlang ngunit halatang pinagtatanggol ni Macatlang ang tauhan niyang ito. Ngunit nang tawagan ng WSR si Mayor Medina, umusok ito sa galit at nangakong ipababalik niya ang lisensiya ni Pejie at ipasisibak si Restor.

Para sa inyong mga sumbong mag-text sa 0917-7WANTED.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.