Koreanong Suspek sa Chop-Chop Case, ‘Di Pa Maipade-Deport ng BI

HINDI PA maipade-deport ng Bureau of Immigration (BI) ang Koreanong salarin sa pananakit at pag-chop-chop sa isang babae sa Laguna.

Sinabi ni BI spokesperson Atty. Antonette Mangrobang na sakop lang ng kanilang ahensiya ang pagpapa-deport sa isang dayuhan kung nilabag nito ang Immigration Laws.

Sakaling walang nilabag na Immigration Law ang Koreanong si Kim Yoon Hiung ay hindi ito kaagad maipade-deport ng BI.

Paliwanag ni Mangrobang, sadyang napa-kagaan sa isang dayuhan ang ipa-deport lang nang hindi pinananagutan ang krimen sa bansa kaya dapat muna siyang litisin at maparusahan bago ipatapon sa pinanggalingang bansa.

Tiniyak naman niyang nag-uugnayan ang pulisya at BI upang malaman din kung may paglabag sa Immigration Law ang isang dayuhan.

Bagama’t hindi nila saklaw ang kaso ng nasabing Koreano, sinabi naman ni Mangrobang na nakikipag-ugnayan na sila sa Korean Embassy para malaman ang history at record nito sa Korea.

Sakali naman aniyang guilty si Hiung sa ilang kaso sa Korea ay hindi rin ito basta-basta paba-balikin sa bansa hangga’t hindi napapanagutan ang ginawang krimen sa Pilipinas.

Samantala, oras na mapatunayang guilty ang naturang dayuhan sa mga kasong kinakaharap, sinabi ni Mangrobang na sa regular na kulungan mapupunta ang Koreano.

Wala aniyang special treatment ang batas para sa mga dayuhang kriminal kaya magiging pantay ang trato sa mga ito at sa Pilipinong nagkasala sa batas.

Samantala, bukas naman aniya ang tanggapan ng BI sa mga ulat hinggil sa mga dayuhang nang-aabuso sa batas dahil maaari itong maging ground ng kanilang deportation o ‘di kaya’y pagkakansela ng kanilang Philippine visa.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.