Koreana, Nabiktima ng Ativan Gang sa Ermita

LASING ANG isang babaeng Korean national nang dalhin ng isang taxi driver kahapon sa General Assignment Investigation Section ng Manila Police District matapos umanong mabiktima ng tinaguriang Ativan Gang.

Sa pagtatanong ni PO3 Jay Jacob sa biktimang si Kim Jieun, 21, napag-alaman na dalawang lalaki at dalawang babae ang nakipagkilala sa kanya malapit sa BP International Hotel sa Ermita, Maynila kung saan siya naka-check-in.

Pasado alas-12:00 umano ng hatinggabi kahapon nang yayain siyang mag-inuman ng mga hindi pa nakikilalang salarin at ang mga sumunod na pangyayari ay hindi na umano niya matandaan.

Sinabi naman ng  taxi driver na nagdala sa biktima sa MPD na sumakay sa kanya ang dayuhan bandang ala-1:00 ng madaling-araw kanina.

Humingi umano ito ng tulong sa kanya nang madiskubre niyang nawawala na sa kanyang bag ang kanyang digital camera, cellphone at pera na nagkakahalaga ng halos P500,000.

Samantala, hinala ni Jacob na mga kasapi ng Ativan Gang ang dumale sa biktima dahil sa istilo ng modus.

Kamakalawa lamang dumating sa bansa ang biktima bilang turista at siya ay nakatakda ring umalis ngayong araw pabalik ng Korea.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.