Kopya ng palitan ng text kay Deniece, malabong makuha ni Vhong

MALABONG MAKAKUHA si Vhong Navarro ng kopya ng palitan ng text messages kay Deniece Cornejo mula sa network provider nito.

Ito ang sinabi ni Atty. Froilan Castelo, general legal counsel at Senior Vice President ng Globe Telecom sa isang panayam sa katuwirang hindi sila nagtatago ng kopya ng mga mensahe ng subscribers.

Aniya, “Ang Globe ay hindi ho nagtatago ng records ng text messages, ang nasa amin po ay ‘yung transaction records which is the fact that a text message was sent on this day, hour and minute.”

Inihayag pa ni Castelo na posibleng makuha ni Navarro ang transaction records.

Kung postpaid subscriber aniya ito, madali itong makikita ng TV Host-Actor sa kanyang billing statement.

Pero kung gugustuhin din nitong makuha ang transaction records ni Cornejo, kailangan ng permiso ng babae o kaya’y kautusan ng korte.

“Ang mga impormasyon tungkol sa tawag at text messages ng subscribers ay makukuha lang kung may consent ng both parties… Kung hindi man makuha itong consent na ito ay makukuha ito through court order o anumang ahensya na may otoridad na mag-isyu ng subpoena just like CIDG (Criminal Investigation and Detection Group) at NBI (National Bureau of Investigation).”

Kung ipipilit aniya ng kampo ni Vhong na makakuha ng kopya ng mga ipinadala at natanggap na mensahe, posibleng software solution ng technical experts na ang makakatulong dito.

Una nang nagpahayag ng kagustuhan ang kampo ng aktor na makakuha ng kopya ng palitan ng text messages kay Deniece mula Enero 17 noong una silang magkita sa condo, hanggang Enero 22 noong gabing binugbog ang TV Host.

Sa pamamagitan ng  nasabing texts, target ni Vhong na mapatunayang sinet-up siya ni Cornejo kasabwat ang grupo ni Cedric Lee.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.