Kooperatiba, nilimas ng akyat-bahay

NILIMAS NG HINDI pa nakikilalang kalalakihan na pinaniniwalaang miyembro ng Akyat Bahay Gang ang isang kooperatiba, kung saan sinira ang pintuan nito upang makapasok sa Valenzuela City kahapon ng umaga.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7:42 nang madiskubre na nilooban ang Sta. Cruz Credit Cooperative na matatagpuan sa 2nd Floor Altra Building II, Brgy. Poblacion ng nasabing lungsod.

Ayon sa ulat ng pulisya, isang nagngangalang Joselito Biasca, 38-anyos, collector ng Sta. Cruz Credit Cooperative, papasok ito sa kanyang tanggapan nang mapansin na nakakalat ang mga papeles na iniwan nilang nakalagay sa lamesa.

Agad itong naghinala kaya’t nang dumating ang kanilang branch manager na si Carmencita Quijano ay mabilis na ipinagbigay-alam ng mga ito sa mga awtoridad ang pangyayari.

Base pa sa inisyal na pagsisiyasat ng Scene of the Crime Operation (SOCO) ng Northern Police District (NPD), pinalalagay na sinira ng mga suspek ang pintuan ng naturang kooperatiba kaya tuluyang nakapasok sa loob.

Sinira rin ng mga suspek ang vault na pinaglalagyan ng P76,000 na pinaniniwalaang tinangay ng mga kawatan bago mabilis na nagsitakas sa hindi natukoy na direksiyon.

Hanggang sa kasalukuyan naman ay patuloy na nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy kung may naganap na inside job sa nasabing nakawan.     (MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.