Konduktor, Patay sa Banggaan ng Bus at Truck

PATAY ANG konduktor ng isang bus matapos itong sumalpok sa nakaparadang 10-wheeler truck sa South Super Highway bago mag-Pasay Road, sakop ng Makati City kahapon ng madaling-araw.

Higit 30 minuto rin ang inabot bago tuluyang nahugot ang naipit na si Ricky Monton, konduktor ng JAC Liner bus na idineklarang dead on arrival sa Makati City Medical Canter.

Sugatan din ang pasaherong si Henry Abrera at dalawang pahinante ng trak na sina Marvin Peñaverde at Harold Escalante na pawang nagtamo ng minor injuries.

Tumakas naman ang drayber ng bus na si Policarpio Ilagan na posibleng sugatan din dahil wasak na wasak ang harapan ng bus.

Lumalabas sa pagsisiyasat ni SPO1 Rommel Salvador ng Makati Traffic Division, dakong ala-1:00 kahapon ng madaling-araw nang maganap ang aksidente.

Nakaparada ang trak na may plakang CTC 447 na may kargang mga karton matapos ma-flat ang gulong sa South Super Highway nang biglang salpukin ng bus na patungong Buendia-Taft Avenue mula Lucena City.

Sinabi ng drayber ng trak na pagmamay-ari ng ML Young Trading na si Guillermo Ebane na kumpleto naman sila ng early warning device kaya nakapagtatakang hindi pa rin napansin ng bus ang kani-lang sasakyan.

Samantala, iniimbestigahan pa ang sanhi ng insidente habang inaalam din ang mga posibleng kasong isampa laban sa drayber ng bus.

Dumating din sa nasabing lugar ang mga kinatawan ng JAC Liner para alalayan ang mga biktima.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.