Kolehiyala, bugbog-sarado sa kalaguyong pulis

NAGKABUKOL-BUKOL AT NAGKAPASA-PASA ang mukha ng isang magandang babae nang pagsusuntukin ng kanyang live-in partner na pulis makaraang eskandaluhin ng biktima ang kanyang kinakasama matapos na mahuli umano ng babae ang suspek na nakaakbay at hayagang nakikipaghalikan sa kalaguyo nito kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ni PO2 Rosalyn Pones, imbestigador ng Women’s and Children’s Concerned Dask (WCCD) ng Caloocan PNP ang biktima na itinago sa pangalang “Josie”, 17, 2nd year college student at residente ng 775 C. Pabia St., Tondo, Manila.

Ang suspek na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9262 (Violation Againt Womens in Relation to 7610) ay si PO1 Jayson Tan, 31, may-asawa, nakatalaga sa PCP-8 ng Caloocan PNP.

Base sa ulat ni PO2 Pones, bandang alas 3:00 ng umaga nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng A. Mabini St., Caloocan City.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya, bago ang insidente ay nagpaalam ang suspek sa biktima na papasok ng kanyang trabaho, subalit naghinala ang una na hindi nagsasabi ng totoo ang kanyang live-in partner.

Hindi mapakali ang babae kaya sinundan niya ang lalaki at habang binabagtas nito ang kahabaan ng A. Mabini St. ay namataan nito ang motorsiklo ng suspek na nakaparada sa naturang lugar kaya dali-dali itong bumaba sa sinasakyang jeep at hinanap ng tingin ang suspek.

Laking gulat ng babae nang makita nito sa isang tabi ang kanyang kinakasama na nakaakbay at nakikipaghalikan sa isa pang kalaguyo nito.

Agarang nilapitan ng babae ang kinakasamang pulis at nag-eskandalo, kung saan ay inumbag nito ang kahalikan ng kanyang kinakasama.

Imbes na panigan ng suspek ang kanyang asawa, ito pa ang pinagsusuntok dahilan upang magkabukol-bukol at magkapasa-pasa ang mukha ng biktima.

Ang suspek ay pinaghahanap na ng mga awtoridad para sampahan ng mga nasabing kaso. (ROMAN MAGPOC)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.