Koko, kumalas na sa una

INANUNSYO NI Senador Aquilino “Koko” Pimentel III na tuluyan na siyang kumalas sa partidong United National Alliance (UNA), ang koalisyon na binuo nina dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada at ni Vice President Jejomar Binay.

Ito’y sa harap pa rin ng pagtanggi niyang makasama sa senatorial line-up si dating Senador Juan Miguel “Migz” Zubiri, na umano’y nagnakaw ng higit dalawang taong panunungkulan sana niya sa Senado.

Bago pumunta sa pagdinig ng Senate Committee on Electoral Reforms kaugnay sa PCOS machines, nagtungo muna si Pimentel sa bahay ni dating Pangulong Estrada upang ipaalam ang kanyang desisyon.

Bagama’t di pabor si Estrada sa desisyon ng senador ay nirerespeto pa rin niya ang desisyon nito.

Sinabi naman ni Pimentel na inihahabilin na niya kay Joey De Venecia ang mga responsibilidad nito bilang pangulo ng PDP-Laban.

Samantala, aminado ang senador na mahirap para sa kanya ang nabuong kapasiyahan lalo’t ninong nito si Erap at matagal na rin silang may pinagsamahan ni Binay.

Nangako naman si Pimentel na hindi niya iiwan ang PDP-Laban, na partidong binuo ng kanyang ama.

Samantala, hindi naman apektado ang kabuuan ng Partido Demokratiko Pilipino-Lakas ng Bayan sa pagkalas ni Pimentel sa koalisyon ng UNA.

Ayon sa tagapangulo ng PDP-Laban na si Bise Presidente Jejomar Binay, si Pimentel lamang ang kumakalas sa UNA at wala naman itong balak na guluhin ang koalisyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.