Kiram, uwi o kaso – P-noy

NAGBIGAY NA ng mahigpit na babala ang Pangulong Benigno ‘Noynoy’ Aquino III laban sa grupo ni Sulu Sultan Jamalul Kiram III.

Ito’y matapos na magmatigas pa rin ang sultan at ayaw pauwiin ang kanyang mga tauhang nasa Datu Lahud sa bahagi ng Sabah, Malaysia.

Ayon sa pangulo sa ipinatawag na press conference kahapon ng umaga sa Malacañang, dapat nang umuwi ang grupo ni Kiram para maiwasan ang anumang mas mabigat na problema.

Sinabi ni Pangulong Aquino, dahil sa ginagawa ng grupo nina Kiram, maaari silang lumabag sa Article II ng Konstitusyon hinggil sa pagpo-provoke ng giyera na hindi naman polisiya ng pamahalaan.

Iginiit pa ng Pangulo na kung hindi susunod ang grupo ni Kiram, gagamitin na ang full-force ng batas para lamang mapangibabaw ang interes ng nakararami.

Naniniwala ito na hindi magtatagumpay ang grupo ni Kiram para ipaglabag ang aniya’y kumplikadong claim.

Samantala, nakahanda naman ang Pamilya Kiram na harapin ang mga posibleng kasong isasampa ng gobyerno laban sa kanila at mga kasamahang tumatangging lisanin ang Sabah para bumalik sa bansa.

Sinabi ng anak ni Sultan Jamalul Kiram III na si Princess Jaycel Kiram, bagama’t wala pang opisyal na statement ang sultan ay dismayado na ang kanilang pamilya sa naging pahayag ng Pangulong Aquino.

Ramdam aniya nila ang kapabayaan ng gobyerno sa usapin ng pagbawi sa Sabah, na para sa sultan ay maituturing na laban ng mga Pinoy para makuha ang anumang para sa Pilipinas.

Tinawag ding iresponsable ni Princess Jaycel ang gobyerno sa pagkawala ng sulat na ipinadala sa Palasyo kaugnay pa rin sa standoff sa Sabah. Nais aniya nilang paimbestigahan kung paano nawala ang isang mahalagang liham.

Sa ngayon, nagpadala na ng sulat ang Pamilya Kiram sa United Nations (UN) at Organization of the Islamic Conference (OIC) para idulog ang pagbawi sa Sabah.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.