Kinawawa na ni Misis, kinalaboso pa ng mga pulis!

SI JOEY TENGCO ay isang seaman na dumulog sa WANTED SA RADYO noong Martes, January 18, 2011. Kakaiba ang sumbong ni Joey kumpara sa mga reklamong natatanggap ng WSR araw-araw.

Isinusumbong ni Joey ang kanyang misis na yumurak sa kanyang pagkalalaki pati na ang mga pulis na ginamit ni misis para mas lalo pang lapastanganin siya.

January 14, Biyernes, dumating si Joey sa NAIA Terminal 1. Ilang araw bago siya bumalik ng bansa, makailang beses niyang sinabi sa kanyang asawa ang araw ng kanyang pagdating para siya ay salubungin.

Namuti na ang mga mata ni Joey sa kaaantay ngunit hindi dumating ang misis niya. Nanghiram siya ng cellphone sa isang security guard ng airport dahil inisip niyang baka nakalimutan lamang ng kanyang asawa ang araw ng kanyang pagdating at tinangka niya itong tawagan.

Pero laking pagtataka niya kung bakit matapos marinig ni misis ang kanyang boses, agad na kina-cancel nito ang kanyang tawag. Makailang beses ginawa ito sa kanya ng kanyang asawa. Napilitan si Joey na sumakay ng taxi.

Pagdating niya sa kanilang bahay, nagulat siya dahil wala na siyang nadatnang mga tao roon maliban sa dalawang kasambahay. Napag-alaman niya sa mga kasambahay na maging ang mismong mga kaanak ni misis ay nagsi-alsa balutan na rin dahil hindi masikmura ng mga ito ang panlalalaki umano ng kanilang kamag-anak na garapalang ginagawa sa bahay na iyon ang mga kabulastugan.

Tinangka muling tawagan ni Joey ang kanyang misis gamit ang cellphone ng isa sa mga kasambahay. Nang makausap niya si misis, hiniling niya rito na kung puwede ay agad na mag-usap sila.

Dumating ang kanyang asawa lulan ng isang SUV. Pagbaba ni misis ng sasakyan agad itong sinalubong ni Joey ngunit walang kaabug-abog, sinabihan siya ng kanyang asawa na mayroon na itong ibang lalaki at nabuntis ito. Sinabihan rin siya ng kanyang asawa na wala sa kanya ang problema at mabait siya.

Sa pagkabigla, nasampal ni Joey ang kanyang asawa. Tiyempo naman ang agad na pagbaba ng tatlong armadong mga kalalakihan na nagpakilalang mga pulis ngunit pawang mga nakasibilyan. Isa sa mga iyon ay nakilalang si PO3 REYNATO ABALOS.

Kinaladkad ng mga pulis si Joey sa presinto at idiniretso sa kalaboso. Paglabag daw sa batas na violence against women ang kaso ni Joey at maraming taon na pagkakakulong daw ang katapat na parusa rito.

Halos gumuho ang mundo ni Joey. Kinawawa na nga siya ng kanyang asawa, kalaboso pa ang bagsak niya. Kinausap siya ni Abalos at sinabihang puwede naman daw maareglo ang kaso sa halagang 20 thousand pesos. Tinawagan ni Joey ang kanyang kapatid. Nangako ang kapatid ni Joey kay Abalos na maibibigay nila ang pera pero kinabukasan pa. Natulog ng isang gabi si Joey sa kalaboso kasama ang mga snatcher at holdaper.

Nang maiabot ng kapatid ni Joey ang pera kay Abalos, agad naman siyang pinalaya nito. May mga kumakalat na balita na baka si Abalos diumano ang nakabuntis sa misis ni Joey dahil nakita ito minsan na dala-dala niya ang SUV ng misis ni Joey sa isang carwash center.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.