Kinatawan ng Kongreso sa JBC, Pinagdebatehan

ISINAGAWA KAHAPON ang oral argument sa Supreme Court para desisyunan kung ilan dapat ang maging kinatawan ng Kongreso sa Judicial and Bar Council (JBC).

Sa panig ng Kongreso, tig-isa dapat ang kinatawan ng Senado at Kamara sa JBC, giit ni Sen. Joker Arroyo.

Walang masamang idudulot kung ipagpapatuloy ang nakasanayan nang dalawang kinatawan para sa Kongreso, saad ng senador.

Parehong tumatayong ex-officio members ng JBC sina Sen. Francis “Chiz” Escudero para sa Senado at Iloilo Rep. Niel Tupas Jr. para naman sa Kamara.

Sa ginanap na panayam ng JBC sa mga nominado sa pagka-chief justice, si Tupas lamang ang dumalo matapos maglabas ng resolusyon ang SC na isa lang dapat ang kinatawan para sa dalawang kapulungan ng Kongreso.

Ayon naman kay dating Solicitor General Frank Chavez na siyang nagsampa ng reklamo sa Korte Suprema na kumukuwestiyon sa pagkakaroon ng dalawang kinatawan ng Kongreso, maliwanag ang isinasaad sa Saligang Batas na isa lang talaga dapat ang kanilang kinatawan.

Maaari namang maging maluwag ang Korte Suprema sa nasabing usapin tulad ng ginawa nila noon sa ruling sa isyu ng 60-40 foreign ownership provision ng 1987 Constitution, giit ni Arroyo.

Sinabi naman ni Chavez na kapag nilabag mo ang Konstitusyon, nilalabag mo rin ang public order.

Binigyang-diin pa ni Chavez na sa oras na iyon mismo, isa lang o tanging si Sen. Arroyo lang ang tumatayong kinatawan ng dalawang kapulungan ng Kongreso na siyang dapat maging sitwasyon sa JBC.

Samantala, siyam na mahistrado lang ng Korte Suprema ang naupo sa oral arguments.

Lima ang hindi sumali sa pagdinig na pawang mga nominado sa susunod na chief justice.

Ipinagpaliban na rin ng JBC sa Lunes, Agosto 6, ang deliberasyon nito sa pagpili ng mga nominado para sa shortlist na isusumite kay Pangulong Noynoy Aquino para hintayin ang Korte Suprema na makapagpalabas ng pinal na re-solusyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.