Kinarma sa ginawa kay Andi Eigenmann? Albie Casiño, nakatikim ng bugbog!

PANIBAGONG GULO na naman itong pinagpiyestahan ng media, kung saan nabugbog nga si Albie Casiño ng anim na kalalakihan daw sa may parking lot ng Fiamma bar nu’ng Sabado ng madaling-araw.

May drama muna sa loob ng bar, kung saan nagkita roon sina Albie at Andi Eigenmann.

Sinabuyan daw ni Andi ng alak si Albie at sinampal pa ito. Hindi na raw umimik si Albie, kundi nag-ayos na lang sa CR at niyaya na raw ang kaibigang umuwi na lang sila.

Pero pagdating ng parking lot, sinundan ito ng anim na kalalakihan at naramdaman na lang daw niyang may humampas nang bote sa may ulo niya at pinagtulungan na itong bugbugin. Itinakbo na raw ito ng kaibigan sa Makati Medical Center para ipa-gamot.

Nu’ng Sabado ay umiiyak na kausap ng Startalk ang ina ni Albie na si Mrs. Rina Casiño at nagsasabing magsasalita na raw sila at hindi na raw sila mananahimik dahil sa nangyaring gulo.

Naglabas naman ng statement si Andi na itinatangging may kinalaman siya sa pambubugbog kay Albie. Inamin niyang sinabu-yan niya ito ng alak at sinampal, pero ang bugbugan sa labas ay hindi na raw niya alam. Tumakbo pa nga raw ito para tingnan si Albie, pero pinagsisigawan nga raw ito ng young actor at pinagmumura.

Siyempre, inisip talaga ni Albie na may kinalaman si Andi du’n sa pambubugbog sa kanya.

Kinagabihan ay pumunta na ang ina ni Albie na si Mrs. Rina Casiño sa Precint 9 ng Makati Police Station para ipa-blotter sila. Kasama ni Mrs. Casiño ang asawa niyang si Bonjet Casiño na galit na galit siyempre sa nangyari.

Nakita n’yo naman sa Facebook ni Albie na puro sugat at pasa ang mukha nito. Sabi pa ni Mrs. Casiño, namaga na raw ang mukha nito kaya pinababalik pa raw ng Makati Medical Center para i-test pa uli.

Kaya mangiyak-ngiyak si Mrs. Casiño na nagparating ng mensahe sa mga nambugbog sa kanyang anak. “Ano ba ang ginawa ng anak ko sa inyo, at saka ang tatanda nila para patulan nila ang anak ko? You know, may nanay sila. Isipin na lang nila kunwari sa kanila nangyari ‘yun, ano ang feeling ng nanay nila. Parang, such an evil thing to do. Wala na ba silang magandang magawa. I don’t know, eh. I don’t understand. Walang atraso sa kanila si Albie.”

Ang gusto na lang ngayon ng ama ni Albie na idaan ito sa tamang proseso. Magdedemanda sila at naniniwala raw sila sa fair na legal system, na kahit matagal ay maghihintay raw sila para mabigyan ng hustisya itong ginawa sa kanilang anak.

Nagpapagaling daw muna ngayon si Albie. Pero ang sabi ng mommy nito, magsasalita na raw sila at hindi na sila uurong at mananahimik na lang basta. Marami raw silang isisiwalat, kaya magsasalita raw sila sa tamang panahon.

Siyempre, galit din ang mommy ni Andi na si Jaclyn Jose. Magsasalita rin daw ito, kaya labanan ito ngayon ng dalawang nanay.

Hay, naku! Magulo nga ito! Nabuhay na naman uli ang isyu ng dalawang batang artistang ito. Ang kawawa rito ay ang pobreng anak ni Andi na madadamay sa gulo ng magulang niya!

Curious lang ako kung ano ang sasabihin pa nitong ina ni Albie. Sabi niya magsasalita na raw siya. May bago ba siyang sasabihin na ikagugulat ng lahat?

Abangan natin ‘yan!

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

Previous articleSa pambubugbog kay Albie Casiño Sigaw ng Mommy: Sobra Na!; Sey ng supporters ni Andi Eigenmann: kulang pa!
Next articleMon Tulfo, Pinagtulungan ng Tropa ni Raymart Santiago sa NAIA!

No posts to display