Shooting Range: Kinarma din ang mga piskal arinola ng Pasay!

Ang katumbas sa korte ng mga tinatawag sa kalye na pulis patola ay piskal arinola. Mapanghi ang budhi ng mga piskal na ito. Kung sa bargain sa bangketa ang pag-uusapan halimbawa, singko-lima ang mga pulis patola sa PNP at buy-one take-one naman – na may libre pang bonus na toilet paper – ang mga piskal arinola sa mga korte.

Bakit ko nasabi ito? Sa sobrang dami, ‘di ko na matandaan ang bilang ng mga sumbong na natanggap ng WANTED SA RADYO mula sa mga inosenteng maliliit na mamamayan na nakulong dahil sa pagiging bobo at gago ng maraming inquest fiscal. Kahit na alam nilang walang kasalanan ang ipriniprisintang suspek sa kanila dahil sa walang matibay na ebidensiya laban dito, at kahit alam nilang hindi puwedeng i-inquest ang isang suspek na walang kasamang legal counsel, tinutuluyan pa rin nila ito’t ipinapakalaboso.

Sa Pasay City, may ilang piskal arinola nang naengkwentro ang WSR. At ngayon ay kinarma rin ang isa sa kanila. Kamakailan, sinampahan ng kaso sa Office of the Ombudsman ng PNP-Aviation Security Group (ASG) si Pasay Asst. City Prosecutor Manuel Ortega.

Matatandaan na noong March 15, alinsunod sa Comelec gun ban, naaresto ng mga kawani ng ASG si Albay Mayor Avelino Ceriola dahil sa pagtangkang sumakay ng eroplano sa NAIA na may bitbit na calibre .45 at pekeng permit to carry firearm (PTC) certificate galing sa Comelec.

Pagkatapos maaresto, iniharap ng mga pulis si Ceriola kay Ortega para sa isang inquest proceeding kasama ang kanyang abogado. Iprinisinta ng ASG kay Ortega ang baril, dalawang magazine, mga bala at pekeng Comelec PTC certificate na nakuha kay Ceriola sa Airport bilang mga ebidensiya. Kasama pa rin sa ebidensiya na naiprisinta ay ang certification mula sa Comelec na nagkukumpirma na peke talaga ang PTC certificate na nakuha kay Ceriola.

Pero sa kabila ng lahat ng ito, binasura pa rin ni Ortega ang kaso dahil daw sa kakulangan sa ebidensiya.

Natatandaan ko, minsan may isang kasambahay na ipinadampot ng kanyang amo sa Pasay dahil sa bintang na pagnakaw ng mga alahas. Sa kabila ng walang maiprisinta ni isang pirasong alahas ang mga pulis sa inquest fiscal sa Pasay bilang ebidensiya, tinuluyan pa rin ang kasambahay at idiniretso sa kalaboso.

Isa pa ring kaso ay ang tungkol sa isang 28 years old na lalaki na dinampot ng mga pulis sa Pasay dahil sa bagansiya at hinala na ito ay magnanakaw. Bagamat walang ordinansang bagansiya sa Pasay, maliban sa curfew para sa mga menor de edad, at wala ring nakuhang anumang iligal na bagay sa nasabing lalaki nang iprisinta ito sa inquest fiscal, siya ay tinuluyan pa rin.

Tinuluyan din ng isang piskal sa Pasay ang isang motorista na kinaladkad ng isang pulis sa korte dahil sa hindi umano pagsuot ng helmet. Pinayagan din ng isang piskal ng Pasay na makulong ang isang taxi driver dahil sa delay sa pag-intrega nito ng boundary sa kanyang operator.

Sana hindi lang masibak sa serbisyo ang tarantadong Ortega na ito at makulong din para matikman niya ang sakit na naramdaman ng mga inosenteng mamamayan na kanilang naipakulong diyan sa Pasay.

Shooting Range
Raffy Tulfo

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.