Kilos-protesta vs Obama, pinaghahandaan

BAGO ANG pagbisita ni US President Barack Obama sa bansa, isinailalim na sa red alert ang buong pulisya kasabay ng pagbibigay ng mahigpit na seguridad dahil sa mga kilos-protesta ng mga militanteng grupo sa pagdating ng nasabing lider.

Inihayag ni PNP Chief Director General Alan Purisima na nakahanda ang pulisya sa pagbibigay ng seguridad, partikular sa kaliwa’t kanang kilos-protesta na ilulunsad ng mga militanteng grupo.

Ilan sa mga lugar na mahigpit na babantayan ay ang Mendiola sa San Miguel, Maynila at ang US Embassy sa Roxas Boulevard.

Pinakilos na rin ng opisyal ang Intelligence Group ng PNP para magsagawa ng monitoring sa kilos ng mga makakaliwang grupo, partikular na ang New People’s Army (NPA).

Pangungunahan naman ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagbibigay ng seguridad kay Obama, katuwang ang Armed Forces of the Philipines- National Capital Region (AFP-NCR) at Intelligence Group.

Ipakakalat rin ng NCRPO ang piling mga pulis para magmatiyag sa mga pangunahing tanggapan ng  Estados Unidos sa bansa.

Mayroon ding 2,000 riot squad na ipakakalat sa posibleng pagdausan ng mga kilos-protesta.

Matatandaan na Abril 22 nang dumating sa bansa ang advance security ni Obama at agad na nakipag-ugnayan sa PNP at AFP para sa seguridad ng pangulo ng Amerika.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.