Kelot, wasak ang mukha sa saksak

MAAGANG KAMATAYAN ang sinapit ng isang binatilyo makaraang pagtripang pagsasaksakin ng dalawa sa tatlong hindi nakikilalang suspek na pawang nakasakay sa isang motorsiklo sa Malabon City kamakalawa ng gabi.

Si Rowdie Sebilla, 17, walang hanapbuhay at residente ng Brgy. San Agustin ng nabanggit na lungsod, ay namatay habang nilalapatan ng lunas sa Pagamutang Bayan ng Malabon sanhi ng mga tama ng saksak sa bunbunan, mukha, leeg at katawan.

Isang manhunt operation ang kasalukuyang isinasagawa ng Malabon police laban sa tatlong hindi nakikilalang suspek na mabilis na nagsitakas matapos na isagawa ang karumal-dumal na pagpatay sa biktima.

Base sa isinagawang imbestigasyon ng Malabon police, dakong alas-10:00 ng gabi nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Cella 11, Brgy. Bayanbayanan.

Nabatid na naglalakad ang biktima sa nasabing lugar pauwi sa kanilang bahay ng biglang dumating ang mga suspek sakay ng isang motorsiklo na pawang naka-fullface helmet.

Dalawa sa mga suspek ay mabilis na nagsibaba sa motorsiklo at agad na sinunggaban ang biktima at walang habas na pinagsasaksak ang una at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas sakay ng motorsiklo.

Ilang residente sa nasabing lugar ang mabilis na nagdala sa biktima sa nasabing pagamutan subalit ilang oras ang nakalipas ay nalagutan din ito ng hininga.

Patuloy na nagsasagawa ng follow-up operation ang pulisya upang agad na malaman ang pagkakakilanlan ng mga suspek at ano ang motibo sa likod na pagpatay sa biktima.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.