Kelot, Utas sa Karibal

TODAS ANG isang batilyo matapos itong ataduhin ng saksak ng umano’y manliligaw ng kanyang kinakasama nang magkrus ang landas ng mga ito kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.

Dead-on-arrival nang idating sa Pagamutan ng Lungsod ng Malabon sanhi ng tama ng saksak sa iba’tibang parte ng katawan ang biktimang si Ricardo Cailau, 33, ng Tambak Uno, Brgy. Tanza, Navotas City.

Tugis naman ng pulisya ang suspek na nakilala lamang sa alyas Deo, naninirahan sa Agora St., Navotas City na mabilis na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng Women’s St., Brgy. Hulong Duhat, Malabon City.

Lumalabas sa imbestigasyon na kasalukuyang naglalakad ang biktima sa naturang lugar kasama ang live-in partner nitong si Ella Santos nang makasalubong ang suspek na armado ng patalim.

Agad umanong pinagsasaksak ng suspek ang nabiglang biktima bago ito mabilis na tumakas samantalang isinugod naman sa nabanggit na pagamutan si Cailau ngunit hindi na rin ito umabot nang buhay.

Napag-alaman pa sa mga awtoridad na ang suspek ay nanliligaw sa live-in partner ng biktima kaya’t nagkaroon ang mga ito ng hindi magandang ugnayan sa isa’t isa hanggang sa magkrus ang landas ng mga ito.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.