Kelot, Tumba sa Riding-In-Tandem

ISANG 50-ANYOS na lalaki ang napatay makaraang barilin ng isa sa dalawang hindi nakikilalang suspek na riding-in-tandem habang ang biktima ay naglalakad sa Caloocan City kamakalawa ng umaga.

Ang biktima na namatay sanhi ng dalawang tama ng bala ng hindi nabatid na kalibre ng baril sa ulo at katawan ay si Rico Rodrigo, nasa hustong gulang at naninirahan sa # 14 Sampalok cor. Durian Sts., Brgy. 178, Camarin ng nabanggit na lungsod.

Pinaghahanap naman ng mga awtoridad ang dalawang hindi nakikilalang suspek na mabilis na nagsitakas matapos ang insidente ng pamamaril.

Sa inisyal na ulat ni SPO2 Joselito Delos Reyes, may hawak ng kaso, dakong alas-2:10 ng umaga nang maganap ang insidente ng pamamaril sa Sampalok St, Brgy. 178, North Caloocan.

Nabatid na naglalakad ang biktima sa nasabing lugar nang biglang dumating ang dalawang hindi nakikilalang suspek na pawang sakay ng isang motorsiklo.

Pagkakita ng biktima sa dalawang suspek ay mabilis itong nagtatakbo dahilan upang habulin ng mga suspek at nang abutan ay dalawang ulit na pinutukan ng baril na nagresulta sa agarang kamatayan ng biktimang si Rodrigo.

Matapos nito ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek sakay ng motorsiklo sa hindi nabatid na direksiyon at iniwan ang duguang katawan ng biktima na parang walang anumang nangyari.

Ayon sa ilang kalugar ng biktima, sadya umanong makulit at maingay ang napatay kapag lasing sa alak at may hinala silang atraso ang dahilan ng pagpatay kay Rodrigo dahil walang nawawalang pera at mahalagang gamit sa katawan ng pinatay na biktima.

(ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.