Kelot, Todas sa Boga ng Sekyu Dahil sa Tisod

ISANG LALAKI ang binaril at napatay ng isang security guard makaraan ang isang mainitang pagtatalo matapos umanong matisod ng biktima ang paa ng suspek sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Kinilala ng Caloocan City Police Station ang biktima na si Romulo Quintos, 33 anyos, live-in partner, walang hanap-buhay at residente ng # 4287 7th. St., Brgy. 89, Grace Park ng nabanggit na lungsod.

Kasalukuyan namang nagtatago ang suspek na nakilalang si Jonathan Tumalluan, 22, security guard, ng PhilJap Security Agency, at nakatira sa Mallbac Iguig, Cagayan City.

Sa isinagawang im-bestigasyon ng Caloocan PNP, dakong alas-12:05 ng umaga nang maganap ang insidente sa kahabaan ng 7th. St., kanto ng 12th. Avenue, Brgy. 87, Grace Park.

Ayon sa isang nakasaksi ng mga pangyayari, nakatayo ang suspek sa nasabing lugar nang matisod ng biktima ang paa ng huli na humantong sa kanilang mainitang argumento.

Habang nasa kainitan ng pagtatalo ng dalawa, biglang binunot ng suspek ang kanyang service firearm at saka pinagbabaril ang biktima na tinamaan sa iba’t ibang parte ng katawan at nang duguang humandusay ang biktima sa kalsada ay mabilis na tumakas ang nasabing security guard dala ang ginamit na baril.

Ilang residente sa naturang lugar ang mabilis na dinala ang biktima sa Caloocan City General Hospital, pero sa daan pa lamang ay nalagutan na ng hininga ang biktimang si Quintos.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa ang nasabing himpilan ng pulisya ng follow-up operation para sa ikadarakip ng suspek at papanagutin sa kanyang ginawang pamamaril.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.