Kelot, Tinira Dahil sa Utang sa Droga

NASA MALUBHANG kalagayan ang isang tricyle drayber makaraang magtamo ng tama ng saksak sa katawan na kagagawan ng isa sa dalawang hindi nakikilalang suspek matapos umanong mabigo ang una na bayaran ang kanyang pagkakautan sa droga sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ng Caloocan City Police Station ang biktima na si Antonio Cruz, 39, may-asawa, tricycle driver, at residente ng # 618 7th Avenue, Brgy. 105 ng nabanggit na lungsod.

Base sa ulat ni PO1 Richard Jumalon, imbestigador ng Station Investigation and Detective Management Branch ng nasabing himpilan ng pulisya, dakong alas-2:30 ng hapon nang maganap ang nasabing insidente sa kahabaan ng 2nd St., kanto ng 4th Avenue, Brgy. 118.

Nabatid na bago masaksak ang biktima ay naglalakad ito kasama ng isang Marcelo Gumsio, 46, may-asawa, tricycle driver, at kapitbahay ng una sa nasabing lugar ng biglang lapitan ang biktima ng dalawang suspek at sinisingil sa pagkakautang ng una sa droga.

Walang umanong maibayad si Cruz kaya biglang bumunot ng patalim ang isa sa dalawang suspek at inundayan ng saksak ang biktima sa katawan at pagkatapos ay mabilis na nagsitakas ang mga salarin dala-dala ang ginamit na patalim.

Dali-dali namang dinala ni Gumsio ang biktima sa Pres. Diosdado macapagal Memorial Medical Center at dahil sa masamang kalagayan ng biktima ay agarang inilipat ito sa Jose Reyes Memorial Medical Center kung saan ito ay patuloy na inoobserbahan ng mga mangagamot.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.