Kelot, Tinarakan Dahil sa Titig

AGAW-BUHAY ANG isang lalaki makaraang saksakin ng apat na ulit ng isa sa dalawang hindi nakikilalang suspek matapos ang isang mainitang pagtatalo hinggil sa masamang tingin sa Caloocan City kahapon ng madaling-araw.

Inoobserbahan ngayon sa Manila Central University (MCU) hospital ang biktimang si Brayon Sotto, 20, ng Pio Valenzuela St., Brgy. Marulas, Valenzuela City sanhi ng tinamong apat na tama ng saksak sa katawan.

Base sa ulat ni PO1 Richard Jumalon, may hawak ng kaso, dakong alas-3:30 ng madaling-araw nang maganap ang pananaksak sa kahabaan ng Kaunlaran St., Bry. 150, Bagong Barrio, Caloocan City.

Nabatid, magkasalubong na naglalakad ang biktima at dalawang hindi nakikilalang suspek nang matitigan ng masama ng una ang huli.

Kaagad umanong kinumpronta ng isa sa mga suspek ang biktima na naging dahilan ng isang mainitang pagtatalo, kung saan ang isa sa mga ito ay biglang binunot ang patalim sa kanyang baywang at saka apat na beses na inundayan ng saksak ang biktima.

Matapos nito ay mabilis na nagsitakas ang mga suspek habang ilang konsernadong residente sa nasabing lugar ang agarang nagdala sa biktima sa nasabing pagamutan.

Sa kasalukuyan ay nagsasagawa ng paghahanap ang mga awtoridad laban sa dalawang suspek para sa madaliang ikadarakip ng mga ito.

(ROMAN MAGPOC)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.