Kelot, Tigok sa Riding-In-Tandem

PATAY ANG isang lalaki matapos paulanan ng bala ng mga hindi pa tukoy na salarin sa kanyang bahay sa San Labrador Compound, Himalayan Road, Barangay Pasong Tamo, Quezon City.

Kinilala ni Police Officer 2 Eliezar Dalisay ng QC Police Station 3 ang biktima na si Marvin Nipa, 35-anyos, isang electrician.

Nakikipag-inuman sa kaarawan ng kanyang bayaw si Nipa nang pagbabarilin ng mga suspek na sakay ng motorsiklo.

Sinabi ng kainuman ni Nipa na si Rolly San Pablo na bigla na lamang siyang nakarinig ng sunud-sunod na putok sa kanyang likuran at nang makitang bumulagta ang kaibigan ay tumakbo pa aniya ito sa bahay ngunit sinundan ng isang armadong lalaki at tinutukan pa ng baril.

Nagtamo ng mga tama ng bala sa ulo, likod at mga bahagi ng katawan ang biktima dahilan upang maulila ang tatlo nitong anak.

Nasa apat na armadong lalaki ang pumaslang kay Nipa na naglakad lamang palabas ng lugar saka sumakay sa iniwang motorsiklo.

Nakuha naman ng mga residente ang plaka ng isa sa mga motor na sinakyan ng mga salarin.

Samantala, ayon sa mga residente, walang kaaway sa naturang  lugar si Nipa.

Sa ngayon, patuloy pa rin ang imbestigasyon ng mga awtoridad.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.