Kelot, kritikal sa boga ng sekyu

KRITIKAL SA PAGAMUTAN ang isang kelot matapos itong barilin ng guwardiya habang ang mga ito’y nag-iinuman sa loob ng videoke bar matapos magalit ang una nang hindi mabigyan ng inorder na beer kahapon ng madaling-araw sa Malabon City.

Inoobserbahan ngayon sa Manila Central University Hospital, Caloocan City sanhi ng tama ng bala ng .38 kalibre na baril sa dibdib ang biktimang si Raymund Valleser, 26, ng No. 121 B Mc Arthur Hi-way, Brgy. Potrero, Malabon City.

Tugis naman ng pulisya ang suspek na si Robert Guialon, nasa hustong gulang, security guard ng Rend Security Services at naka-assign sa Silver Goldstar Heavy Equipment Rentals na matatagpuan sa No. 141 Mc Arthur Hi-way, ng nasabing barangay.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-3 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa tapat ng Cargie Videoke bar sa Mc Arthur Hi-way ng naturang lugar.

Bago ang insidente, umorder ang biktima ng beer subalit hindi agad ito nabigyan ng waitress na ikinagalit ni Valleser. Sa halip na umalis ay nilapitan nito ang suspek na gumawa ng gulo at kanyang kinaladkad.

Dito, binunot ng suspek ang sukbit na baril at agad na pinaputukan ang biktima na tinamaan sa dibdib saka tumakas patungong Monumento Caloocan City dala ang baril na ginamit.

Dinala naman sa nasabing pagamutan ang biktima upang lapatan ng lunas ang tinamong sugat kung saan habang sinusulat ang ulat na ito ay nasa malubhang kalagayan.

(MARY H. SAPICO)

Pinoy Parazzi News Service

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.