Kelot, Hinoldap na, Tinadtad pa

KARIMA-RIMARIM ANG sinapit ng isang 32-anyos na dating call center agent na hinihinalang biktima ng holdap makaraang putulan ng dalawang binti at pugutan ng ulo ng hindi pa nakikilalang mga suspek.

Ang katawan ng nasabing biktima na isinilid sa itim na plastik bag ay natagpuan kamakailan sa Matimyas at Maceda Sts. sa Sampaloc, Maynila.

Sinabi ng isang Thea Abesamis na ang labi ay ang kanyang asawa na si Mark Reau Abesamis, dating call center agent  at residente ng TS Cruz Subd., Novaliches, Quezon City.

Ayon sa salaysay ni Thea kay SPO1 Asilo, kamakailan pa umano sila huling nagkita ng asawa, nang magpaalam na magtutungo sa isang gymnasium sa Fairview alas-8:00 ng umaga at umalis ng kanilang tirahan dala ang kanyang itim na Toyota Altis (NOY 611).

Bandang ala-1:30 ng hapon ay tinawagan siya nito at nagsabing didiretso ito sa isang kaibigan na si George Martinez sa Aurora Blvd., Quezon City para sa kanilang planong magnegosyo ng car repair shop.

Bandang alas-6:00 ng gabi ay umalis na sa bahay ni George ang biktima dahil makikipagkita sa isang alyas Agnes  sa Fairview dala umano ang package para sa kanyang padala sa ina na nasa Amerika.

Alas-7:30 ng gabi ay hindi na umano sumasagot sa tawag sa cellphone ang kanyang mister.

Sinabi naman ng hepe ng MPD-Homicide Section na si Chief Insp. Steve Casimiro na nawawala ang Toyota Altis ng kelot, package, cellphone at iba pang mahahalagang gamit na nasa sasakyan.

Maaaring sa bahagi umano ng Quezon City hinoldap ang biktima at dinala lamang sa bahagi ng Maynila ang tinadtad na katawan upang mailigaw ang pagsisiyasat ng mga awtoridad.

Samantala, nakilala rin ng misis ang kanyang mister dahil sa suot nitong berdeng T-shirt na may tatak pa ng ‘Aero 1897 Surf’ at checkered na shorts.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.