KC Concepcion at Piolo Pascual, ayaw pang umaming magdyowa na by Eddie Littlefield

HINDI  MAIPAGKAKAILANG MAY namumuong romansa na kina KC Concepcion at Piolo Pascual hindi dahil mayroon silang Lovers in Paris. Totoo kasi silang nagmamahalan, walang pagkukunwari ang ipinakikitang pagmamahal ni PJ sa dalaga. Marami ang nagpapatotoo na magsyota na nga raw ang dalawa. Hindi pa raw napapanahon para aminin ang tunay nilang relasyon.

Hindi pa nila ginagawa ang nasabing Koreanovela, nakikitang magkasama na sina KC at Piolo na nagdi-dinner sa Shangri-la EDSA na super sweet. Inaabot pa nga sila ng madaling araw sa pagkukuwentuhan. Kasagsagan ito ng second movie nina KC at Richard Gutierrez with direk Joel Lamangan.

Kiber, kahit maraming tao at pinagtitinginan sila, walang pakialam sina KC at PJ. Lalo pa nga  silang naging malapit sa isa’t isa ng magtungo sila sa Paris para i-shoot ang nasabing teleserye.   Kitang-kita naman sa  kanilang mga mata,  body movement  na may MU (mutual understanding) namamagitan kina KC at Papa P.

For the first time, ngayon lang inamin ni Piolo seryoso ang pangliligaw niya kay KC. Katunayan nga, personal pa siyang nagsadya sa bahay nina Sen. Francis Pangilinan at Sharon Cuneta para pormal na hingin ang pahintulot na aakyat siya ng ligaw sa dalagang anak ni Megastar. Ibinigay naman ng mag-asawa ang kanilang blessing sa actor kaya sa tingin namin walang magiging hadlang sa pagmamahalan nila KC.

Hayagan namang sinabi ni Sharon boto siya kay Piolo, hindi siya tututol kung sakaling si PJ na nga ang maging boyfriend ng kanyang anak. Nand’yang ipagluto ni Mega sina Piolo at KC kasama ang grupo sina Sam Milby at Christian Bautista. Madalas rin silang magkasama sa mga lakaran at social gathering, hindi dahil  may soap silang ipalalabas.

Nilinaw ni PJ na walang kinalaman ang trabaho sa nararamdaman niya sa dalaga. Ayaw niyang  isipin ng publiko na  gimik lang ang pagiging malapit nila sa isa’t isa.  Ibang usapan na raw ‘yun , personal feeling na niya ang involved.

Sabi nga ni PJ,  kung sakaling manliligaw siya, ‘yun na ang babaeng pakakasalan niya at magiging ina ng kanyang mga anak. Si KC na nga ang babaeng tinutukoy niya na ihaharap sa dambana. Ang maganda pa sa actor, ayon kay KC, hindi siya minamadali nito, handang maghintay.

KC is 24, wala pa sa isipan niya ang paglagay sa tahimik at magka-pamilya. Marami pa siyang gustong ma-achieve sa buhay. Ini-enjoy niya ang buhay as a single girl . Gusto pa niyang ipagpatuloy ang kanyang singing career at pagiging actress.

Ang pagiging gentleman, sweet, generous at respectful ang mga katangian nagustuhan ni KC kay Piolo. Bukod pa rito, pareho pa silang Christian na lalong nagpatibay sa kanilang relasyon. Sa set nga raw, super alaga siya ng binatang ama, palaging nakaalalay sa lahat ng sandali. Palaging may dalang pagkain (vegetables)  sa set for both of them. Binibigyan pa siya ng pointers ng actor sa mga seryosong eksena nila.

Tuloy, nagbalik sa aming alaala’ yun paguusap namin ni KC sa set ng 2nd movie nila ni Richard.  Si Piolo  kasi ang naging topic ng aming interview kaya excited at kinikilig ang dalaga.  Nakiusap siyang huwag daw munang isulat ‘yung tungkol sa kanila ni Papa Piolo dahil malapit na ang showing ng pelikula nila ni Chard.  ‘Yun na!

AYAW Paawat!
by Eddie Littlefield

Previous articleConflict sa GMA inaayos ni Dingdong Dantes by Ronnie Carrasco III
Next articleTaxi driver galit kay Sarah Geronimo by Alex Brosas

No posts to display