KBP: Magna Carta Para sa Media Bill, ‘Di na Kailangan

IGINIIT NG pamunuan ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) na hindi na kailangan ang pagsasabatas ng Senate Bill 380 o ang panukalang batas na nagsusulong na dapat isailalim sa eksaminasyon ang bawat kasapi ng media bago makakuha ng accreditation sa pamahalaan.

Ayon kay KBP National President Herman Z. Basbaño, naniniwala ang opisyal na labag sa Saligang Batas ang panukala dahil maituturing na pagsikil sa kalayaan ng pamamahayag ang binabalak sa Magna Carta for Journalists na isinusulong ni Sen. Jinggoy Estrada.

Binigyang-diin ni Basbaño na hindi na mahalaga ang pagpa-patibay ng nasabing panukala dahil mayroon ng sariling panuntunan ang media institutions tulad ng KBP na may kakayahang pumataw ng kaparusahan sa mga miyembro nitong may paglabag sa sariling polisiya.

Maliban dito, mayroon din umanong sariling guidelines ang bawat media entity na disiplinahin ang kanilang mga tauhan sakaling may ginawang kalokohan para maging responsable sa pagiging mamamahayag.

Kaugnay naman ng mga benipisyong nakapaloob sa probisyon ng panukala ni Estrada, inihayag ni Basbaño na saklaw na rin ito ng Labor Code tulad ng pagbibigay ng overtime pay sa mga nagtrabaho nang lagpas sa walong oras.

Gayunpaman, pinasasalamatan ni Basbaño ang mga concern ng mambabatas para sa kapakanan ng mga kasapi ng media sa bansa.

Nabatid na base sa Senate bill 380, maoobliga ang reporters, editors at photographers na kumuha ng professional journalism examinations.

Lumalabas sa panukala ni Estrada, iisyuhan lang ng identification card (ID) ang sinumang kasapi ng media kung makapapasa sa pagsusulit.

Ang naturang pagsusulit ay pangangasiwaan ng itatayong Philippine Council for Journalists (PCJ) na kinikilala ng Securities and Exchange Commission (SEC) na binubuo ng walong media group na kinabibilangan ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP), National Press Club of the Philippines (NPC), Philippine Press Institute (PPI), Press Photographers of the Philippines (PPP), Manila Overseas Press Club (MOPC), National Union of Journalist of the Philippines (NUJP), Publishers Association of the Philippines, Inc. (PAPI), at Federation of Provincial Press Club (FPPC).

Ang nabanggit na grupo rin aniya ang maglalabas ng code of ethics sa mga mamamahayag.

Ang mga accredited na kasapi ng media ay makatatanggap ng mga benepisyo mula sa kanilang mga employers, PCJ at iba pang isinasaad ng batas.

Nilinaw rin sa bill na ang hindi accredited na media ay makapagtatrabaho pa rin ngunit hindi na saklaw ng mga benepisyong ipagkakaloob sa ilalim ng PCJ.

Samantala, ang mga mamamahayag naman na mahigit sa 10 taon na sa kanilang serbisyo ay hindi na kailangang isailalim sa eksaminasyon ngunit isasalang pa rin sa interview ng PCJ bago makakakuha ng kanyang akreditasyon.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.