KBP: IRR sa Pol Ads Kontra sa Interes ng Publiko

BINIGYANG-DIIN NG liderato ng Kapisanan ng mga Brodkaster sa Pilipinas (KBP) na talo ang publiko sa bagong resolusyon o implementing rules and regulations (IRR) ng Republic Act 9006 o kilala bilang Fair Elections Act of 2001.

Base sa nasabing IRR, nakasaad na limitado na lamang sa 120 minuto ang air-time para sa political ads ng mga tumatakbong kandidato sa national positions sa radyo habang 180 minuto naman sa telebisyon.

Ayon kay KBP national president Herman Z. Basbaño, nililimitahan nito ang pagkakataon ng taong-bayan lalo na ang mga botante para malaman ang advocacy at plataporma ng mga kandidato.

Sinabi ni Basbaño na KBP ang kumakatawan sa publiko at partido rin sila sa isyu kaya marapat lamang na tumindig laban sa bagong IRR.

Nilinaw rin ni Basbaño na bagama’t may aspeto rito ang revenue na kikitain sa political ads, mas mahalaga rito ang karapatan ng publiko na malaman ang kuwalipikasyon ng mga kandidato para makapili ng nararapat na lider.

Hindi rin naman daw masama kung gagastos ang mga pulitiko dahil malaking tulong nga ito sa paglago ng ekonomiya ng bansa tulad sa karanasan sa unang mga eleksyon.

Dagdag pa nito ang paglimita ng Comelec sa airtime ng political ads ay nagbibigay lamang ng karagdagang bentaha sa mga kandidatong artista, miyembro ng media at sa mga incumbent na pulitiko.

Hindi naman aniya dapat ikabahala ang pag-abuso ng mga may perang kandidato dahil may limitasyon naman sa gastos ng bawat kandidato.

Partikular ding kinontra ni Basbaño ang posisyon ni Comelec Chairman Sixto Brillantes sa ilang probisyon ng IRR na nagsasabing bago ma-interview ang isang opisyal o kandidato, dapat munang humingi ng clearance ang isang broadcast network mula sa Comelec bago iere ang panayam.

Itinuturing din ni Basbaño na panghihimasok na sa pamamalakad ng isang media network ang desisyon ng Comelec na kailangang kunin ang kanilang permiso sa panayam sa isang kandidato.

Ipinatutupad lamang nila ang batas at kanilang interpretasyon na hindi naipatupad noong nakaraang mga halalan, giit ni Brillantes.

Sinabi pa ni Brillantes na bukas naman sila sa pagkuwestiyon ng KBP at iginiit na hindi minadali ang naturang IRR.

Samantala, tuloy na ang paghahain ng mosyon ng KBP sa Comelec ngayong hapon at u-

maasang makita ng komisyon ang liwanag sa kanilang posisyon.

Sakaling mabigo, handa naman daw si-

lang umakyat sa Supreme Court para malinawan ang usapin at maipagtanggol ang interes ng publiko.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.