Kaya mas piniling manahimik muna Iwa Moto, pinoprotektahan si Janna Dominguez?!

LIVE GUEST NAMIN si Iwa Moto sa Startalk nu’ng Sabado para sagutin daw ang mga isyung kinasangkutan niya. Hindi naman niya nasagot lahat dahil may mga isyung ayaw pa munang ipatanong.

Ang hinihintay na isyung sasagutin niya, ‘yung sinabi niya sa phone patch interview namin sa kanya na pagbalik daw niya rito galing Japan ay may pasasabugin daw siya pagkatapos niyang ayusin ang mga hindi pa niya naayos sa buhay niya.

Medyo malabo, ‘di ba? Pero duda na namin na tungkol ito sa isyung pagpapakasal nila ni Mickey Ablan, ilang taon nang nakaraan.

Pero hindi pa rin pala puwedeng pag-usapan dahil may mga inaayos pa ito sa tulong ng abogado niya. Sabi lang ni Iwa, “May mga tanong na hindi ko pa talaga puwedeng sagutin. Sa tamang panahon ay sasabihin ko rin lahat, kaya tahimik na po muna ako.”

Dagdag pa nito, “Mas mabuting manahimik para maprotektahan ang ibang tao. Hindi po ako, ang ibang tao ang inaalala ko, kaya hintayin n’yo na lang dahil hindi naman po ako magsisinungaling, hintayin n’yo na lang.”

Tahimik pa rin si Janna Dominguez tungkol sa pagbubuntis niya, dahil hindi pa niya puwedeng aminin.

Kaya tingin ko d’yan, si Janna pa nga ang sinasabing gustong protektahan ni Iwa.

Hay, naku! Magkakaalaman din iyan!

Ang gusto lang daw ni Iwa sa ngayon ay bumalik na sa trabaho dahil marami pa raw siyang paggagastahan. Isa nga riyan ang abogado niyang tumutulong sa kanya na ayusin ito.

 

WALA PA RIN yatang katiyakan kung ngayong araw ang dating ni Manny Pacquiao.

Kung hindi ngayong araw, sa Miyerkules na siguro dahil talagang nakabuhos na muna kay Jinkee Pacquiao ang panahon niya. Ang importante, masaya na silang mag-asawa at hindi na raw sila puwedeng mapaghiwalay.

Hindi pa rin kasi nawawala iyang balitang annulment, pero tingin ko naman hindi na aabot diyan.

Dapat naman talaga huwag nang paabutin sa hiwalayan dahil tuluy-tuloy naman ang suwerteng dumarating ngayon kay Manny.

Nangako naman si Manny na talagang magbabago na raw siya at magiging mabuting asawa kay Jinkee at ama sa kanilang mga anak.

Mas lalong naging paladasal na nga raw ngayon si Manny. Bukod sa pagru-rosaryo ay nagba-Bible study pa raw ito. Kaya behave na talaga si Manny, huh!

Abangan na lang natin ang susunod na magaganap ‘pag dumating na rito ang mag-asawa.

 

MAMAYANG GABI NA pala magsisimula ang PS I Love You sa TV5 na mapapanood pagkatapos ng Glamorosa.

Ganu’n pa rin pala ang role dito ni Gabby Concepcion na ginampanan niya sa pelikula nila ni Sharon Cuneta.

Hindi na nga lang si Sharon ang gaganap na ka-partner niya kundi si Dina Bonnevie.

Sabi nga ni Dina, sobrang malaking challenge daw ito sa kanya dahil sobrang bait daw ng role niya rito na hindi raw bagay sa kanyang karakter.

Pero nagampanan naman niya ito nang maayos, kaya tingnan na lang natin kung type ng mga manonood ang ganu’ng role na gagampanan ni Dina.

 

Mga Mata ni Lolita
by Lolit Solis

loading...

3 thoughts on “Kaya mas piniling manahimik muna Iwa Moto, pinoprotektahan si Janna Dominguez?!

Leave a Reply

Your email address will not be published.