Kaya ayaw nang pag-usapan Toni Gonzaga, ‘di raw makakatulong sa kanya ang isyu sa kanila ni Mariel Rodriguez

SA NAKARAANG STORY con ng pelikulang gagawin ni Gov. Vilma Santos sa Star Cinema, lumikha ng kontrobersiya ang nabalitang pahayag ng actress/politician nang tanungin ito kung boto ba siya kay Jennylyn Mercado para sa anak na si Luis.

Ayon sa naging sagot ni Gov. Vi, hindi mahalaga kung boto ba siya o hindi, ang importante ay masaya ang anak sa buhay pag-ibig nito. Nababahiran ng intriga na mukhang hindi raw yata 100% aprubado si Ate Vi kay Jen kumpara nu’ng si Angel Locsin pa ang girlfriend ni Luis at very open ang aktres na gusto niya si Angel para sa panganay na anak.

Natatandaan namin na nagsisimula pa lang pumutok ang balita nu’n kina Luis at Jennylyn, nahingan na namin ng reaksyon ang aktor kung ano ang gagawin niya kung saka-sakaling ayawan o ‘di maging boto ang pamilya niya sa babaeng magugustuhan. Tumatak sa amin ang naging sagot ni Luis na kilala niya ang pamilya niya na susuportahan siya nang buo sa kung sinuman ang babaeng mamahalin niya. Pero kung darating ang ganitong sitwasyon, ipaglalaban niya kung alam niyang dapat talaga itong ipaglaban.

NAKAUSAP NAMIN SI Toni Gonzaga sa nakaraang presscon ng PBB The Unlimited Edition, kung saan nahingan namin siya ng saloobin tungkol sa sinabi ni Robin Padilla sa first day ng pagpasok ni Mariel Rodriguez sa Wil Time Bigtime, na alam niya na magiging masaya na ang asawa sa bagong show nito at ayaw na niyang makita si Mariel na umuuwing umiiyak, nagkukulong sa kuwarto at naghahanap ng Psychiatrist pagkagaling nito sa Happy, Yipee, Yehey.

Naituro si Toni na isa sa rason sa pag-alis ni Mariel sa HYY at sa ABS dahil sa naging text nito sa respetadong kolumnista na si Ricky Lo na pakiramdam niya ay pinaplastik lang siya ng kaibigan. Mas lalo pa ngang tumindi ang isyu dahil sa binitiwang salita ni Robin patungkol sa paglipat ng asawa sa Wil Time Bigtime.

Ayon kay Toni, ayaw niyang mag-take responsibility sa kung anuman ang nasabi ng aktor dahil ito ay isang general statement. Para sa TV host, kung may dapat mang sumagot tungkol sa isyung ito ay kung sino ba ang nagbitaw ng salita at si Robin nga ito.

Nakarating din kay Toni ang nasabing statement sa mismong staff ng Happy, Yipee, Yehey. Naikuwento ito sa kanya pero nag-move on sila agad at nagpokus sa trabaho. Para sa TV host/actress, sa dami ng mga magagandang nangyayari sa buhay niya ngayon gaya ng successful concert sa Araneta at pagkapanalo as Best Female Pop Artist sa katatapos na Star Awards, wala siyang panahon na isipin pa ang mga negatibong bagay na alam niyang ‘di makatutulong sa kanya.

Klinaro rin niya ang bali-balitang break na raw sila ng boyfriend na si Direk Paul Soriano. Wala nga namang katotohanan ang nasabing balita dahil tuloy pa rin ang kanilang relasyon at bago nga tumulak pa-Hawaii ang boyfriend bago ito mag-birthday ay nag-organize siya ng isang intimate dinner kasama ang kani-kanilang mga kaibigan at pamilya.

Maiba Lang
By MELBA R. LLANERA

Previous articleSarah Geronimo, hindi takot kay Angeline Quinto!
Next articleEric Fructuoso at Boom Labrusca, bida sa sexy comedy indie film!

No posts to display