Kawatan, Patay sa Pulis Mag-asawang Intsik, Todas sa Magnanakaw

PATAY ANG mag-asawang Chinese national matapos pagsasaksakin at paluin ng martilyo sa ulo ng magnanakaw nang pasukin ang kanilang tindahan kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.

Agad na nasawi ang biktimang sina Lin Quing Kai at misis nitong si Chen Xiu Yu, kapwa nasa hustong gulang, may-ari ng U2 Mart and General Merchandise at residente ng Block 46, Phase 2, Package 2, Brgy. 176, Bagong Silang ng nasabing lungsod.

Inaalam na rin ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng suspek na namatay matapos makipagbarilan sa mga rumespondeng pulis na inilarawan lamang ng pulisya na may taas na 5’7” hanggang 5’8”, nasa pagitan ng edad na 25 hanggang 30 at kulot ang buhok.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-7:40 ng gabi nang maganap ang insidente sa tindahan at bahay na rin ng mga biktima.

Kasalukuyang nagsasara ang mag-asawa ng kanilang tindahan na matatagpuan sa ibaba ng kanilang bahay nang dumating ang suspek na nakiusap na may bibilhin lamang ito.

Dahil sa likas na pagi-ging mabait ay pumayag ang mag-asawa na papasukin sa tindahan ang suspek ngunit nang nasa loob na ito, biglang kinuha ang kalibre .38 na baril na service firearm ng guwardiya ng nasabing tindahan na kauuwi lamang at agad na nagdeklara ng holdap.

Sapilitang kinukuha ng suspek ang maghapong kinita ng tindahan subalit tumangging ibigay ng mag-asawa dahilan upang pagsasaksakin ng suspek si Yu habang ang mister nitong si Kai ay pinagpapalo ng martilyo sa ulo na naging dahilan ng agarang pagkasawi ng mag-asawa.

Papatakas na ang suspek nang makita ito ng isang Kevin Banzuela na siyang humingi ng tulong sa pulisya at nang respondehan ay naabutan pa ito ng mga pulis at nakipagpalitan ng putok kung saan tinangka pang i-hostage ang 3-taon gulang na anak ng mga biktima.

Dahilan upang barilin ng mga pulis ang suspek na ikinasawi ng huli at masuwerteng nailigtas ang anak nina Yu at Kai.

Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya kung sino ang kasabwat ng suspek sa nasabing krimen sa paniwalang hindi lamang ito nag-iisa.

(MARY H. SAPICO/ ROMAN MAGPOC)

Tags: ,
Balita

About the Author

has written 12690 stories on this site.

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.