Kaugnay ng Assassination Plot: Boy Saycon, Dumulog sa NBI

NAGTUNGO SA Criminal Intelligence Division ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tagapayo ng Sultanate of Sulu na si Pastor “Boy” Saycon kasama ang abogado kamakalawa.

Ito’y upang magbigay ng salaysay hinggil sa umano’y assassination plot laban sa kanya, kay Sultan Jamalul Kiram III at iba pang mga tagasuporta.

Nitong Martes, nauna nang hiniling ng kampo ng mga Kiram na siyasatin ng NBI ang umano’y assassination plot.

Binatikos naman ni Saycon ang anya’y hilaw na konklusyon ng Palasyo na hindi totoo ang planong pagpatay sa kanya at kay Sultan Kiram.

Nauna nang sinabi ni Saycon na may isang hit squad mula Malaysia na nakapasok sa bansa at nag-check in pa sa isang hotel sa Pasay City kung saan pinagpulungan ang tangkang pagpaslang.

Sa naturang pulong, isang abogadong Pinoy umano ang naanyayahan na nataon namang kaibigan ni Saycon at ito ang nagsiwalat ng impormasyon sa kanya.

Samantala, nais ni Saycon na ipakuha ng NBI ang CCTV recordings ng hotel.

Minarapat na nilang dumulog sa NBI para patunayang hindi gawa-gawa ang sinasabi nilang assassination plot.

(PARAZZI REPORTORIAL TEAM)

 

loading...

Leave a Reply

Your email address will not be published.